ISINELDA ng mga operatiba ng Manila Police District – Meisic Police Station 11, ang isang 32-anyos na lalaki makaraang makitaan ng mga kable ng CCTV, at mahulihan ng improvised na baril sa Muelle Dela Industria malapit sa Numancia Street, Binondo, Manila nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si alyas “Christian”, binata, jobless, tubong Pangasinan, at residente ng Sta. Cruz, Manila.
Batay sa ulat ni Police Master Sergeant Bienvenida Rebaya kay Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, station commander, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang madakip ang suspek habang nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Operation (ACLEO) ang mga awtoridad.
Ito ay makaraang isang Alejo Bandiola na miyembro ng Bantay Cable ng Globe Telecom Incorporated, ang humingi ng tulong sa pulisya.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong theft in Relation to RA 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013), at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to Omnibus Election Code of the Philippines. (RENE CRISOSTOMO)
2