HINDI na naisalba ng mga doktor ang buhay ng isang lalaki makaraang makipagpalitan ng putok sa mga pulis matapos na mangholdap ng isang Indian national sa Las Piñas City.
Unang dinala sa Las Piñas District Hospital ang suspek na si Gian Bautista y Mendoza, 37, taga SJDM, Bulacan makaraang tamaan ng mga bala matapos maka-engkwentro ang mga pulis dakong alas-12:30 ng hapon noong Linggo sa harap ng isang fastfood restaurant sa Casimiro St. sa Brgy. Talon Uno, Las Piñas City.
Kalaunan ay inilipat ang sugatang suspek sa South Super Highway Medical Center kung saan ito nalagutan ng hininga.
Nauna rito, hinoldap umano ni Bautista ang Indian national na si Narinder Singh ngunit naharang ito sa dragnet operation ng pulisya makaraang makapagsumbong ang biktima.
Ngunit pinili ni Bautista na makipagbarilan sa mga pulis kaysa sumuko naging dahilan ng pagkamatay nito. (DAVE MEDINA)
198 