ARESTADO sa isinagawang follow-up operation ng Manila Police District – Sta. Cruz Police Station 3, ang isang 25-anyos na jobless na tirador umano ng parcel, noong Miyerkoles ng gabi sa Remegio St., Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi nang mawalang parang bula ang dalawang sako ng parcel na dala ng biktimang si Mark Arejo, 25, isang delivery rider.
Agad naman nitong ipinagbigay-alam ang insidente kay John Lerry Estacio, 31, supervisor ng Flash Express, na siyang nag-ulat sa tanggapan ng Alvarez PCP.
Sa isinagawang imbestigasyon, namataan ng isang barangay tanod ang suspek na si Johnmer Bacay na tinangay umano ang dalawang sako ng parcel makaraang iwan ito sandali ng delivery rider.
Pagkaraan ay nadiskubre ang mga ito sa harap ng isang bahay sa Mayhaligue Street sa Sta. Cruz.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad, nadakip ang suspek bandang alas-10:00 ng gabi. (RENE CRISOSTOMO)
