TIRADOR NG SIMBAHAN SA BULACAN ARESTADO

CAMP GEN ALEJO S SANTOS, City of Malolos, Bulacan — Bumagsak sa kamay ng mga otoridad ang suspek sa serye ng pagnanakaw sa mga Simbahang Katoliko matapos sumalakay sa isang simbahan sa lungsod ng San Jose Del Monte, madaling araw ng Sabado.

Sa report ni PCol. Relly Arnedo, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), nakilala ang nadakip na si Samuel Lorenzana, residente ng Brgy. Fatima 3, City of San Jose Del Monte.

Base sa panimulang imbestigasyon, ninakawan ni Lorenzana ang Cross Over Christian Ministry Church na matatagpuan sa Brgy. Sto. Cristo ng nasabing lungsod bandang alas-3:30 ng madaling-araw.

Ang suspek ay nadakip sa follow-up operation ng CSJDM Police matapos itinuro ng isang “Pastor Tagulao” na nanloob sa kanilang simbahan at tumangay ng kanyang laptop, tablet at cellphone.
Ayon sa pulisya, si Lorenzana at ang iba pang kasamahan nito ay miyembro ng “Akyat Bahay” gang at sinasabing responsable rin sa panloloob at pagnanakaw sa The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints sa Brgy. Mulawin.

Bukod dito, sila rin ang mga suspek sa serye ng nakawan sa mga kabahayan sa nasabing lugar.

Narekober naman sa suspek ang mga tinangay na kagamitan ng simbahan habang pinaghahanap pa ang dalawang kasamahan nito na nakatakas. (ELOISA SILVERIO)

301

Related posts

Leave a Comment