CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAINIT na ang pulitika habang lumalapit ang araw ng eleksyon sa Mayo.
Numero unong nagbabangayan syempre ang kampo ng Marcos at Duterte. Kanya-kanyang patutsadahan at panlalait sa pambato ng magkabilang kampo. Expected na ‘yan, ganyan naman talaga eleksyon sa Pilipinas.
Pero pag natapos na ang eleksyon at mayroon nang panalo, magugulat ka na lang dahil ‘yun dating nasa kabilang bakod ay kumakampi na sa kanyang nakalaban. Sa pulitika nga raw kasi ay walang permanenteng kaaway o kaibigan paano kasi, puro pansariling interes.
\o0o
Bukod sa pulitika, isa pang masakit sa bangs na pag-usapan ang presyo ng mga bilihin at serbisyo ngayon na dapat sana’y pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan.
Heto na naman. Nakauumay na pero kunwari nagulat tayo.
Aminado ang Department of Agriculture na malayo pang maabot ang P20 kada kilong bigas na pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong kampanya niya.
Noon pa ‘yan sinabi. Asa pa rin ang ilang Pinoy, pero sa iba, ang pangako ay tinambalan na ng boladas.
Kahit anong gawin ng pamahalaan ay heto pa rin ang tanong: Paano maaabot ang 20 pesos kilo ng bigas?
Baka tugon ang importasyon. Ilalayo pa kasi ang pananaw sa tunay na solusyon ng problema sa presyo ng bigas.
Idineklara na ang food security emergency sa bigas para mapababa ang mataas na presyo nito sa merkado, pero hindi ito ang tugon.
Ayan, sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi pa rin P20 pero posible siguro nasa mid P30s talaga.
Kamakailan, ibinaba pa ng DA ang presyo ng “Rice for All” program sa P33 kada kilo para sa 100 percent broken rice variety, habang ang mas mataas na kalidad ay nasa P35 kada kilo.
‘Yung P29 kada kilo ang pinakamababa kaso para lang ‘yan sa marginalized na konsyumer.
Huwag nang umasa sa bente baka mapunit inyong kukote. Nakapapagod mag-isip lalo’t barya-barya ang naitatabi.
Heto pa ang hindi na nakagugulat. May dagdag-presyo sa produktong petrolyo sa Pebrero 18.
Inaasahan na ‘yan. Ang katiting na bawas-presyo ay kakambyuhan ng mas mataas na umento sa singil ng petrolyo.
Ano pa ba ang inaasahan?
Maglalaro sa P0.45 hanggang P0.75 centavo ang dagdag-presyo sa kada litro ng gasolina. Nasa 30 sentimos hanggang 60 sentimos naman ang diesel habang P0.15 at hanggang P0.30 ang dagdag sa kerosene.
Handa na lang tayo nang handa sa nakaambang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Kaya dapat isipin at tandaan: ang kapiranggot na bawas ay may kasunod na umaarangkadang umento.
