ARESTADO sa pinagsanib na puwersa ng Manila Police District at National Capital Regional Police Office ang isang 43-anyos na top 1 most wanted person, district level, sa kasong murder makaraang mamataan noong Martes ng gabi sa Sampaloc, Manila.
Kinilala ni P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco ang suspek na si Augusto Raul Flores y Viñas, alyas “Ogie”, jobless, may asawa, ng #844 Antipolo St., Barangay 521, Zone 52, Sampaloc, Manila.
Batay sa ulat nina P/Major Cicero Pura, hepe ng District Special Operation Unit ng MPD, P/Major Edward Samonte ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) at P/Major Emmark Dave Apostol ng Regional Investigation Unit ng NCRPO, nadakip ang suspek sa panulukan ng España Boulevard at Kundiman St. sa Sampaloc dakong alas-10:30 ng gabi makaraang ituro ng isang impormante ang kinaroroonan ito.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Emily Reyes Aliño- Geluz ng Regional Trial Court, Branch 255 ng Las Piñas City. Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing suspek.
Nabatid na nadakip ang suspek makaraan ang anim na taong pagtatago matapos isagawa ang krimen. (RENE CRISOSTOMO)
263
