SWAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang top 3 sa Priority Database on Illegal Drugs (PDID), matapos matimbog ng pulisya sa buy-bust operation sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela Police chief, P/Col. Salvador Destura Jr. ang mga suspek na sina Bravery De Juan alyas “Ching”, 27, top 3 PDID, station level, at Jerdean Merluza alyas “Dindin”, 20, kapwa residente ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr., sinabi ni Col. Destura na dakong alas-6:00 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo, ng buy-bust operation sa Santolan Service Road, Brgy. Gen T. De Leon.
Agad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P300 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police na nagsilbi bilang poseur buyer.
Ani P/Cpl. Pamela Joy Catalla, nakumpiska sa mga suspek ang apat na pirasong sachets, kabilang ang ‘object of sale’, na umabot sa kabuuan sa
5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P34,000, isang large self-sealing transparent plastic bag na naglalaman ng 250 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana with fruiting tops na P30,000 ang halaga, buy-bust money, P100 seized money, 2 cellphones, eco bag at coin purse.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)
