TOP 6 MWP SA PROVINCIAL LEVEL NASUKOL SA CAVITE

(SIGFRED ADSUARA)

HINDI na umubra ang mala-palos na diskarte ng isang security guard na nasa listahan bilang Rank #6 Most Wanted Person (MWP) Provincial Level nang masakote ito sa ikalawang operasyon ng mga operatiba ng Cavite police kamakailan sa bayan ng Silang.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek na si Victorious Baylosis y Blanca, alias Victor, 29, residente ng Brgy. Yakal Bulihan, Silang, Cavite, na kinabibilangan ng Robbery with Violence Against or Intimidation of Person at Murder.

Sa ulat, base sa direktiba ni Regional Director PBGen Jose Melencio C Nartatez Jr., dakong alas-7:30 noong gabi ng September 25 ay nagsagawa ng operasyon kontra most wanted person ang pinagsamang pwersa ng RMFB 4A – Headquarters sa pangunguna ni PEMS Paquito Chan, Jr. sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol Agosto Asuncion kasama ang RID 4A (RIT-Cavite) at Silang Municipal Police Station (MPS). Tinungo ng tropa ang bahay ni Baylosis at inaresto ito sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong Robbery with Violence Against or Intimidation of Person na inisyu ni Hon. Minnelli Rocio-Carvajal, Assisting Judge ng RTC Branch 18, Tagaytay City.

Bukod sa naunang kaso, si Baylosis ay nahaharap din sa kasong Murder na isinampa sa tanggapan ng Provincial Prosecutor sa Imus City, Cavite at nakatakdang dinggin ang preliminary investigation nito sa Sabado, October 6, 2022.

Sangkot din si Baylosis sa serye ng robbery partikular sa 7-Eleven convenience store at bumiktima rin umano ng halos dalawampung Indian national (Bumbay).
Unang sinalakay ang bahay ng suspek noong September 22 subalit nagawa niyang makapuslit. September 25 nang muling isagawa ang operasyon at doon na siya nasukol. Nasa kustodiya na ng Silang MPS ang suspek.

141

Related posts

Leave a Comment