TINIYAK kahapon ng Malacañang sa publiko na hindi magdedeklara ang gobyerno ng “total lockdown” para mapigil ang kasalukuyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kasabay nito, itinanggi ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang kumakalat na voice clip na nag-aabiso sa publiko na mag-stock ng essential supplies dahil sa posibleng pagpapatupad ng lockdown at martial law ng pamahalaan.
Tiniyak ni Nograles sa publiko na ang imbentaryo ng bansa para sa mga pangunahing bilihin ng pagkain, partikular na ang bigas, ay sapat.
Sa kabila nito, sinabi ni Nograles na posibleng itaas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang alert level sa mga lalawigan at lungsod na patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases.
Tugon ito ni Nograles sa tanong kung may tsansa na ipatupad ng pandemic task force ang Alert Level 4.
Ang Pilipinas ay kasalukuyang nakikipagpambuno sa napakabangis na surge ng COVID-19 na sinasabing nagatungan ng Omicron variant.
“Basta tumama sa mga parameters at kailangang i-escalate dahil tumama na nga po sa mga parameters, based on our decision metrics ay i-escalate,” ayon kay Nograles, nagsisilbi ring tagapagsalita ng IATF.
Nauna rito, kinukonsidera na ang Pilipinas na nasa “high-risk” para sa COVID-19 dahil sa “exponential increase” sa bagong infections simula noong huling linggo ng Disyembre.
Nagbibigay ang IATF ng general alert level classifications kada matatapos ang dalawang linggo; ang kasalukuyang general classification para sa bansa ay Alert Level 2.
Ang Alert Level System (ALS) para sa COVID-19 response ay five-tier risk classification system, ang itinuturing na “most stringent being Alert Level 5.” Papalitan nito ang region-wide quarantine classification system.
“Ginagawa natin iyan to restrict the movements, para po ma-restrict ang transmission at pigilan ang pagkalat ng COVID sa mga lugar na may nakikita po tayong mataas na bilang and that includes iyong two-week growth rate, that includes iyong average daily attack rate and that includes iyong hospital care utilization rate po natin,” ang pahayag ni Nograles.
Tinutulan
sa Kamara
Samantala, imbes na lockdown, dapat pagtuunan ng gobyerno ang pagbibigay ng libreng antigen at RT-PCR test upang hindi madiskaril ang pagbangon ng ekonomiya.
Ito naman ang reaksyon ni Congressman Ronnie Ong sa posibleng pagtaas sa Alert Level 4 ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan na mangangahulugan ng panibagong lockdown.
Ayon sa mambabatas, bukod sa libreng antigen at RT-PCR test ay dapat paigtingin ng IATF ang kanilang contact tracing upang makontrol ang paglaganap ng COVID-19 na hindi na mangangailangan ng panibagong lockdown.
Ipinaliwanag ng kongresista na 99.5% sa bansa ay binubuo ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) na posibleng maapektuhan muli kapag nagkaroon ng panibagong lockdown.
“Many businesses are still barely recovering and have invested everything they have just to recover from almost 2 years of financial hemorrhage. I just wish that government should also look at their plight and support them by providing free antigen and RT-PCR tests to all,” ayon sa mambabatas.
Sa pamamagitan aniya nito ay maliligtas ang trabaho ng 62% sa total labor force sa bansa.
Nagbabala rin ito na lalong hindi makababangon ang ekonomiya kapag muling nagpatupad ng lockdown bukod pa sa kailangan ding maglabas ang gobyerno ng panibagong ayuda sa mga maapektuhan nito.
Maging si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ay hindi pabor sa pagsasailalim sa Alert level 4 ng National Capital Region.
Paliwanag ni Concepcion, ang unang quarter ng taon ay matatawag na weak at slow quarter dahil naubos na ang pera ng tao sa nagdaang Pasko at bagong taon.
Ibig sabihin, aniya, sadyang kaunti na lamang ang magiging galaw ng tao.
Hindi na rin aniya kakayanin ng mga private sector lalo na ang MSMEs sakaling magpatupad pa ng lockdown. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
175 