SUGATAN ang isang 17-anyos na binatilyo makaraang barilin sa nangyaring rambol ng dalawang grupo ng mga kabataan sa Malabon City nitong Martes ng madaling araw.
Dinala sa Tondo Medical Center ngunit inilipat sa Philippine Orthopedic Center ang biktimang si alyas Rodolfo, residente ng Navotas City.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Albert Lozano at Ayan Calidro, kapwa ng Blk. 13, Hiwas St., Dagat-dagatan, Brgy. Longos, at Deniel Soria, ng Sawata St., Caloocan City.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa Hiwas St., Brgy. Longos nang magkasagupa ang magkalabang pangkat ng Original Batang Tondo (OBT) at Stoke Fam (SF) dakong alas-4:00 ng madaling araw.
Ayon sa mga saksi, magkakasunod na nagpaputok ng pen gun ang tatlong suspek na miyembro ng SF gang sa direksyon ng biktima na miyembro ng OBT.
Agad namang nagresponde ang mga tanod at pulis ngunit nagpulasan ang mga suspek at naiwan ang nakahandusay na biktima na isinugod ng kanyang ina sa pagamutan. (ALAIN AJERO)
399 