SI Rodolfo “Totoy” Tingzon ay nagsimula bilang isang ordinaryong manlalaro nang nasa kolehiyo pa, naging guro sa paaralang pampubliko hanggang sa kinilala bilang ama ng youth baseball sa bansa at maging sa buong Asia. Ngayong Setyembre 14 ay 94 taong gulang na siya.
Ginugol ni Totoy ang halos kalahati ng kanyang buhay sa pagpapalaganap ng sport na baseball, na namana niya at mga kapatid sa kanilang amang si Julio Tingzon, batikang manlalaro noong kapanahunan niya na kinalaunan ay naging mahusay na coach.
Malaki ang naitulong ni Don Julio sa tagumpay ng Canlubang Sugar Estate Sugar Barons. Naging coach siya ng maraming international competitions na nilahukan ng pambansang koponan, kabilang ang First Baseball Federation of Asian na pinanalunan ng Pilipinas noong 1954 at Far Eastern Games simula 1913 hanggang 1934.
Kung si Don Julio ay naging pambato noon ng Unibersidad ng Pilipinas mula Lungsod ng Tacloban, si Totoy ay naglaro naman para sa National University Bulldogs.
Matapos makuha ang diploma sa kolehiyo, inako ni Totoy ang pamamahala ng koponang Canlubang na giniyahan niya sa pitong magkakasunod na kampeonato sa Manila Bay Baseball League mula 1965.
Noong 1966, nahirang siyang team manager ng pambansang koponan na nag-uwi ng bronze medal sa First World Amateur Baseball Championship na idinaos sa Honolulu, Hawaii. Lumahok din ang Estados Unidos na siyang nagkampeon, at Japan.
Matapos ang pandaigdigang kampeonato, itinayo ni Totoy ang Little League Baseball Association of the Philippines kasama ang ex-Manila Times columnist na si Ka Doroy Valencia at mga kaibigan kabilang ang negosyante at noon ay PR practitioner na si Dr. Dante Ang Sr., ngayon ay Chairman Emeritus ng nasabing pahayagan. Mula noon ang LLBP ay naging bisig ng baseball grassroot program sa bansa.
Makaraan ang ilang taon, humiwalay si Totoy sa LLBP nang mabigong makuha ang aprubal ng Little League International na payagan ang bansa na makapagpadala ng ating koponan sa World Series.
Itinayo ni Totoy at mga kasama ang Philippine Tot Baseball Association na isinapi niya sa PONY (Protect Our Nation’s Youth) movement of the U.S.A. para ipagpatuloy ang grassroot program na inumpisahan sa LLBP tungo sa pagpapalaganap ng baseball at softball sa buong bansa.
Noong 1990, matapos na ilang beses nagwagi ng runner-up finish sa Asia-Pacific Bronco (11-12 age bracket) noong 70s, ang pambansang koponan na bininyagang “President’s Kids” ni Pangulong Ferdinand Marcos, ay inuwi ang korona sa Pony Baseball International World Series.
Si Totoy, naging pangulo rin ng Philippine Amateur Baseball Association, ay pumasok din sa pulitika at nahalal na Bise Gobernador ng Laguna mula 1980 hanggang 1986, at kongresista ng pangalawang distrito ng lalawigan mula 1990 hanggang 1993.
