ISA sa mga layunin at sinisikap ni Rizal, 4th District Congressman Fidel Nograles ang pagkakaroon ng trabaho o pagkakakitaan ng mga Pilipino.
Isa ito sa mga layunin sa pagbisita nila kamakailan ni dating Pangulo at Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa Zagreb, Croatia. Naka-ugnayan nila ang mga pinuno, kalihim, at mambabatas ng Croatia para mapalakas ang pagtutulungan ng nasabing bansa at Pilipinas partikular sa pagbuo ng mas maraming trabaho at hanapbuhay na mapakikinabangan ng mamamayang Pilipino.
Ayon kay Nograles, maraming benepisyo ang nakuha mula sa nasabing pagbisita at malaking bahagi nito ay ang pagbibigay ng pagkakakitaan sa ating mamamayan.
Bukod dito, patuloy rin ang “Tulong Pinansyal sa Montalban” ni Nograles katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Katuwang din ni Nograles sa kanyang “FORWARD NEGOSYO” ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamahagi ng food carts na may kasamang sari-saring kasangkapan, rekados at kagamitang panluto, maging LPG.
Kasabay nito ang pamamahagi ng kikiam, hotdog, fishball, burger at tinapay.
“Sa kabila ng kawalan ng kabuhayan at trabaho, sinisikap po natin magbigay ng tulong pangkabuhayan o puhunan pang-negosyo upang makabangon sa kahirapan ang ating mga kababayan,” ayon sa kongresista. “Katuwang po ninyo ang inyong lingkod upang pagyamanin at palaguin ang mga maliliit na negosyo sa ating bayan,” pahayag pa niya.
Nasa 1,000 kataong kapus-palad ang nabigyan ng ayuda ni Nograles mula sa Montalban kamakailan na kinabibilangan ng senior citizens, PWDs, kababaihan, kabataang mag-aaral at mga walang kabuhayan.
Sinabi pa ni Nograles, ang P40 na karagdagan sa minimum wage ay isang aspeto lamang ng solusyon para sa mga manggagawa.
Ayon sa kanya, patuloy ang kanyang pagsisikap para maibaba ang presyo ng mga bilihin at transportasyon upang mas mapalaki ang take-home pay ng ating mga kababayan. (JOEL O. AMONGO)
498 