ISA na namang traffic enforcer ang nadakip ng mga awtoridad dahil sa kasong panggagahasa sa Malabon City noong Huwebes ng hapon.
Dinakip sa kanyang bahay ang suspek na si Arvin Fuentes y Artisano, 31, ng Brgy. Tugatog ng nasabing lungsod, dakong ala-1:45 ng hapon noong Setyembre 29.
Armado ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Anna Michella Cruz Atanacio-Veluz, ng Regional Trial Court Branch 189, Malabon City, noong Setyembre 28, 2021, sinalakay ng mga pulis ang bahay ng suspek.
Hindi na nakaporma si Fuentes nang bumulaga sa kanyang bahay ang mga parak.
Magugunitang iniulat na nasakote sa lungsod naman ng Navotas habang nagmamando ng trapiko ang traffic enforcer din na si Jaidelito Robles, 45, ng Brgy. San Roque, Navotas City dahil sa pagmolestiya sa isang dalagita.
Hinuli si Robles sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Emmanuel D. Laurea ng Regional Trial Court (RTC) Branch 169, Malabon City para sa kasong paglabag sa Section 5 (B) ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. (ALAIN AJERO)
