LAGUNA – Patay ang pangulo ng isang transport cooperative sa San Pedro City sa lalawigang ito, na galing sa pagsimba nang ito ay barilin ng riding in tandem na naghintay sa labas ng simbahan noong Linggo ng hapon.
Isang tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ng biktimang si Alex Jalandoon, pangulo ng San Pedro Transport Cooperative.
Batay sa report ng pulisya, kakalabas pa lamang sa simbahan ng Jesus the Rock of All Ages Christian School (JRAACS) sa Barangay Narra, ang biktima nang malapitan itong barilin sa ulo ng isa sa mga suspek.
Agad tumimbuwang ang biktima na noon ay papasakay na sa kanyang motorsiklo na nakaparada sa gilid ng Galic Hospital sa katabi lamang ng simbahan.
Agad itong dinala sa emergency room ng nasabing ospital ngunit idineklara itong patay na ng doktor.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ng mga imbetigador kung ano ang motibo sa krimen at kung sino ang tumakas na mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
