CAVITE – Hindi nakapalag ang dalawang pulis at ang kasama nilang isang sibilyan nang arestuhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang entrapment operation nitong Martes ng tanghali sa Bacoor City.
Sa press briefing nitong Miyerkoles sa Kampo Crame, sinabi ni PNP chief, Police Major General Benjamin Acorda, Jr., parehong nakatalaga sa Bacoor City Police Station ang dalawang suspek na parehong police non-commissioned officers.
Isinagawa ang operasyon laban sa mga suspek matapos magreklamo ang iba’t ibang mga TODA at transport group sa Cavite sa pangongotong at paghingi umano ng payola ng mga suspek.
Ayon sa PNP chief, umabot sa P1.5 million kada buwan ang nakokolekta ng mga ito na nag-a-average sa P170,000 bawat transport group.
Kapalit umano ito ng proteksyon ng grupo para hindi mahuli sa anomang violations ang mga miyembro ng TODA at ng mga transport group.
Subalit nahirapan na aniya ang mga biktima kaya humingi ng tulong sa matataas na mga opisyal ng PNP at sa CIDG na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
222