TULUYAN nang binawi ng iba’t ibang public transport groups ang inihaing petisyon para sa karagdagang P3.00 na dagdag pasahe sa mga pampublikong sasakyan, makaraang pangakuan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga kinatawan ng iba’t ibang grupo ng ayuda.
Sa isang pulong sa Kamara kung saan dumalo ang mga kinatawan ng iba’t ibang public transport groups at mga opisyal ng DOTr, napagkasunduan nilang huwag na muna igiit ang dagdag-pasaheng kanilang inihain bilang tugon sa lingguhang pagtaas ng presyo ng krudo sa merkado.
Ayon kay Obet Martin na tumatayong Pangulo ng grupong Pasang Masda, pumayag silang isantabi muna ang petisyon dahil na rin sa pangako ng mga kongresista at DOTr na bibigyan sila ng ayuda at subsidiya sa krudo.
“Hindi na namin maitutuloy pero naka-pending lang. Naka-file lang kase nakapag-usap na kami sa Congress. Nagkasundo na kami tungkol doon sa cash subsidy at tsaka sa fuel subsidy na winu-workout ng DOTr sa mga (oil) companies,” ani Martin sa isang panayam sa CNN.
Dagdag pa ni Martin, bahagi din ng kasunduan ang aniya’y programang aagapay sa kanilang hanay bilang tugon sa dusang kinakaharap ng mga tsuper at operators ng mga pampasaherong sasakyan tulad ng dyip at bus na lubhang apektado sa P18 na itinaas ng presyo ng krudo kada lito mula pa Enero.
“Ang LTFRB naman gagawa naman sila ng cash subsidy in a form of pasada card. Kami natutuwa na roon. Pag naayos na lahat yan we will withdraw the said petition dahil bibigyan ng subsidy yan as allowance o pasada card malaking tulong na sa amin yun,” sambit pa ng lider ng nasabing grupo.
Taong 2018 nang magpamahagi ang pamahalaan ng mga fuel vouchers sa mga operator at tuper ng mga pampasaherong dyip bilang tugon sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa ilalim ng nasabing batas, dapat tumanggap ang mga lehitimong operator at tsuper ng subsidiyang nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P20,000.
Samantala, umapela din si Martin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pahintulutan na ang 100% passenger capacity lalo pa’t malaki na ang ibinaba ng naitatalang kaso at reproduction rate ng Covid-19 sa mga pangunahing lansangan.
