PAG-UUSAPAN pa ng Inter-Agency Task Force kung magpapatupad ng travel restriction laban sa United Kingdom o pansamantalang hindi pagpapapasok ng mga indibidwal mula sa nasabing bansa dahil sa ulat na bagong strain ng coronavirus disease 2019.
“Pag-uusapan pa po iyan sa IATF pero sa ngayon po, in place pa naman iyong ating mga protocols para sa lahat ng pumapasok ng Pilipinas kasama po [riyan] iyong mandatory quarantine habang hinihintay po ang resulta ng kanilang PCR tests,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Sa ulat, nagpatupad ang ilang mga bansa ng travel restriction sa UK makaraang iulat ng London na “out of control” umano ang pagkalat ng bagong strain ng COVID-19.
Kasama sa mga bansang nagpatupad ng travel ban ay ang mga sumusunod: France, Germany, Italy, Ireland, Netherlands, Belgium, Austria, Sweden, Finland, Switzerland, Baltics, Bulgaria, Romania, Croatia, Turkey, Iran, Israel, Saudi Arabia, Kuwait, at El Salvador.
Sa Pilipinas, hindi pa umano nakikita ang pangangailangang magpatupad ng travel restriction sa UK dahil wala pang nakikitang ganitong strain ng virus sa bansa. (CHRISTIAN DALE)
