Traveller mula US, ikaapat na kaso sa Pinas ISA PA SAPUL SA OMICRON

ISANG babaeng mula sa bansang Estados Unidos ang nadagdag sa bilang ng mga nagpositibo sa higit na nakakahawang Omicron variant, ayon mismo sa Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang ika-apat na biktima at isang 38-anyos na babaeng dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Disyembre 10 sakay ng Philippine Airlines flight PR 127 mula sa Estados Unidos.

“She was quarantined upon arrival,” saad ni Vergeire sa pasyenteng aniyang nakitaan ng mga sintomas tulad ng pangangati ng lalamunan at sipon sa ikatlong araw ng quarantine.

Petsang Disyembre 15 nang isailalim sa COVID-19 test ang nasabing indibidwal. Yun ding araw na iyon, lumabas ang resulta – positibo sa COVID-19, hudyat para sa agarang paglilipat sa sa isolation facility hanggang Disyembre 24.

Gayunpaman, isang araw matapos siyang i-release mula sa isolation facility, saka pa lamang lumabas ang resulta ng sequencing kung saan lumabas na Omicron ang tumama sa nasabing indibidwal.

“Kasi ‘yung detection ng Omicron dito, ‘yung detection natin sa sequencing for this fourth case ng Omicron came after when the individual was discharged already,” pag-amin ni Vergeire.

Gayunpaman, wala aniyang dapat ipag-alala ang publiko dahil naka-home quarantine naman ang naturang indibidwal na patuloy nila umanong tinututukan at nakatakdang isalang sa panibagong pagsusuri ngayong araw (Martes).

Samantala, patuloy pa rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa Bureau of Quarantine at Department of Transportation para sa flight manifest kung saan matutukoy ang iba pang posibleng nakasalamuha ng naturang nagpositibo sa Omicron variant.

May dalawa pang biyahero aniya silang binabantayan sa loob ng quarantine at isolation facilities ng pamahalaan.

“We are still verifying the other two passengers and lahat naman po ito ay naka-isolate or naka-quarantine pa din po and they are being monitored,” dagdag pa ng opisyal.

May kabuuang 115 bansang nakapagtala ng mga kumpirmadong kaso ng higit na nakakahawang Omicron variant. (RENE CRISOSTOMO)

141

Related posts

Leave a Comment