TRICYCLE BAWAL PA RIN SA HIGHWAY

HINIKAYAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang Local Government Units (LGUs) na ipagpatuloy ang nationwide Road Clearing Operation (RCO) at kampanya laban sa tricycle sa national highways para protektahan ang kanilang mga anak at mga kabataan mula sa road accidents kasunod ng inaasahang pagbabalik ng face-to-face classes.

“The Road Clearing Ops and ‘no trike on national highway’ campaign have to be sustained. Hindi puwedeng ningas-kugon. We urge our LGUs to continue and sustain their successes to protect our children from road accidents, lalo na ngayong papalapit na ang face-to-face classes,” ayon kay Año.

Sinabi ni Año na may 41,365 barangays ang sakop ng RCO initiative, 93.53% o 38,690 barangays ang patuloy na tumutugon sa panawagan na linisin at alisan ng nakasasagabal ang mga lansangan noong March 2022 na mayroong pinakabagong data na isinumite noong Mayo 6, 2022.

Aniya pa, ang lahat ng rehiyon ay mahigit 80% na ang adherence rate na nagpapakita ng hard work na ginagampanan sa mga barangay upang matiyak na ang kanilang mga kalye ay free of obstructions at ligtas sa mga bata na bumiyahe.

“Malaking tagumpay ito [RCO] sa pagtiyak natin na magiging ligtas ang ating mga anak sa kalsada. Hinihikayat natin ang mga LGU na protektahan ang mga bata sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng mga nasimulan ng programang ito sa susunod na administrasyon ,” dagdag na pahayag nito.

Kailangan din aniya na tiyakin ng LGUs at PNP na ang national highways ay “free of tricycles” at pedicabs maliban na lamang kung pinayagan ito sa pamamagitan ng ordinansa at kawalan ng alternate routes.

Sinabi pa ng Kalihim na ang bawat lungsod at munisipalidad ay kailangan siguraduhin na ang kanilang tricycle task force ay activated at hiwalay mula sa tricycle regulatory boards para bumalangkas at magrepaso ng tricycle route plan.

Ang Nationwide Child Road Safety Law Enforcement Visibility activities ay bahagi ng ‘Oplan Balik Eskuwela’ ng gobyerno at pangungunahan ng National Coalition for Child Road Traffic Injury Prevention sa pakikipagtulungan ng national government agencies at civil society organizations. (CHRISTIAN DALE)

274

Related posts

Leave a Comment