PINANINIWALAANG may taglay na anting-anting ang isang tricycle driver na himalang nabuhay matapos barilin sa ulo ng isang security guard sa Malabon City.
Palaisipan sa mga manggagamot sa Mary Johnston Hospital sa Tondo, Maynila kung bakit nananatiling buhay ang biktimang si Anthony Arcilla, 35, ng #78 Lutos St., Brgy. Longos, sa kabila ng tama ng bala sa ulo.
Tinutugis naman ng mga pulis ang suspek na si Ralph Relly Galeos, 32, guwardya ng Dura Lex Security and Investigation Service Inc. sa #8C Adalia St., Brgy. Longos.
Ayon sa ulat, alas-11:45 ng gabi noong Lunes, nasa loob ng bahay si Arcilla at ang kanyang kinakasamang si Rosalina Paras, 30, nang sumulpot ang suspek at sinabihan ang biktima na mag-usap sila sa labas.
Sinabi ng saksing 63-anyos na lola, mula sa loob ng kanyang bahay ay narinig niya ang biktima at ang suspek na nagtatalo sa kanto ng Lutos at Borromeo streets.
Lumitaw sa imbestigasyon, sa gitna ng pagtatalo ay naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan sa ulo ang biktima.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ng mga kaanak ang duguang biktima sa ospital. (ALAIN AJERO)
356 