NALAGUTAN ng hininga habang inoobserbahan sa ospital ang isang 21-anyos na tricycle driver makaraang dalawang beses na barilin ng riding in tandem noong Linggo ng umaga sa panulukan ng Remedios at Adriatico streets sa Malate, Manila.
Kinilala ang biktimang si Jayson Espanilla, binata, residente ng Malate, Manila.
Base sa ulat na isinumite ni Det. Dennis Suba kay Police Lieutenant Dennis Turla, hepe ng Manila Police District, dakong alas-4:00 noong Lunes ng hapon nang malagutan ng hininga ang biktima dahil sa tama ng bala sa ulo at leeg.
Nauna rito, bandang alas-9:50 noong Linggo ng umaga habang ang biktima ay nasa loob ng kanyang tricycle na nakaparada sa nasabing lugar, nang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka at siya ay dalawang beses na binaril ng angkas nito.
(RENE CRISOSTOMO)
