QUEZON – Isa ang patay habang apat ang sugatan kabilang ang isang bata at isang sanggol, matapos salpukin ng isang truck ang kasalubong na top down tricycle na sinasakyan ng mga biktima sa national highway sa Brgy. Capalong, sa bayan ng Real sa lalawigan bandang alas-10:00 ng umaga nitong Huwebes.
Ayon sa report ng Real Police, dumulas ang truck habang ito ay tumatahak sa basa at kurbadang bahagi ng kalsada hanggang sa napunta sa linya ng kasalubong na tricycle.
Kapwa hindi na nakaiwas ang dalawang sasakyan at bumangga ang truck sa tricycle.
Tumilapon ang sidecar at tuluyang nawasak ang buong tricycle.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng PNP, BFP at MDRRMO rescuer at hinugot ng mga biktima kasama ang 28-anyos na driver, pati ang dalawa pang babaeng sakay na may edad na 29 at 57-anyos, at ang dalawang bata.
Subalit idineklarang wala nang buhay pagdating sa Claro M. Recto Memorial Hospital ang 57-anyos na babae.
Ayon sa Real PNP, gumewang patungo sa kabilang linya ang truck nang mawalan ng preno sa madulas at basang kalsada dulot ng masamang lagay ng panahon sa lugar.
Inaresto ang 55-anyos na lalaking nagmamaneho ng truck na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide at multiple physical injuries.
(NILOU DEL CARMEN)
