UMABOT sa 31.6 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkakahiwalay na anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na tinatayang nagkakahalaga ng P214 milyon, ayon kay PDEA PIO chief, Director Laurefel “Lawin” Gabales.
Sa ibinahaging ulat mula sa tanggapan ni PDEA Director General Usec. Isagani Nerez, nagsagawa ng buy-bust operation ang kanyang mga tauhan sa isang hotel sa Bulacan noong Huwebes at nasamsam ang kabuuang 30 kilo ng shabu na nakalagay sa vacuum-sealed na mga plastic bag, na nagkakahalaga ng P204 milyon.
Arestado ang tatlong itinuturing na mga big time drug dealer na kinilalang sina alyas “Jessie,” 44, construction worker; “Kristina,” 36, walang trabaho; at “JB,” 21, estudyante, makaraang magbenta ng dalawang kilo ng shabu sa isang poseur buyer.
Nakumpiska rin ng mga pulis ang dagdag na 28 kilo ng droga mula sa mga suspek sa isinagawang follow-up operation, bukod pa sa mga non-drug evidence na kinabibilangan ng ginamit na buy-bust money, isang itim na Toyota Fortuner, cellphone, at mga ID.
Nabatid na nagpositibo sa isinagawang case build-up ang mga suspek kaya inilatag at ipinatupad ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service (SES); PDEA Regional Office III Bulacan Provincial Office; katuwang ang Norzagaray at San Jose Del Monte Bulacan PNP, ang entrapment operation sa loob ng Payogi Leisure Hub sa Old Barrio Road, Barangay Minuyan, Norzagaray, Bulacan na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Samantala, isang kilo naman ang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, ang nakumpiska sa ikinasang drug sting operation sa Barangay Port Area, Isabela City, Basilan ng mga tauhan ng PDEA – Zamboanga City Office (PDEA ZCO), Regional Drug Enforcement Unit 9 (RDEU9), at Isabela City Police Station, sa drug suspect na si Ibnoraba Asamli Saddalani, alias “Abu,” 38-anyos, ng Barangay Lawe-Lawe, Lantawan.
Isa pang buy-bust operation ang inilunsad ng PDEA Regional Office 4A Special Enforcement Team 1, PDEA RO-National Capital Region RSET 1, PNP Substation 14 Caloocan, at nadakip ang isang alias “Abdul”, 20, residente ng Barangay 188, North Caloocan, sa entrapment operation sa open parking lot ng isang restaurant sa North Caloocan.
Nakuha sa buy-bust operation ang 600 grams ng suspected shabu na may estimated street value na aabot sa P4,080,000.
Pawang nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
“One operation leads to another. We connected the dots by piecing together information and evidence from our previous operations that ultimately led to the arrest of the suspects who happened to be top-level shabu traffickers,” pahayag ni Undersecretary Nerez
“We will use all extracted information to our advantage and continue to operate against drug trafficking syndicates and their underlings. This is in response to the directive of President Ferdinand Marcos, Jr. to shut down illegal drug activities and dismantle the drug networks”, dagdag pa ng Director General.
(JESSE KABEL RUIZ)
