QUEZON – Patay ang isang lalaking pedestrian at sugatan ang tatlo pang indibidwal sa aksidente na kinasangkutan ng isang delivery truck ng courier company, at tatlo pang sasakyan sa Barangay Malinao Ilaya, sa bayan ng Atimonan sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ng Atimonan Police, nawalan ng preno ang delivery truck na minamaneho ni Jewill Morales, 53-anyos, habang lumulusong sa kurbadang bahagi ng kalsada patungo sa direksyon ng bayan ng Atimonan mula sa itaas ng Maharlika Highway Diversion Road galing sa bayan ng Pagbilao bandang alas-6:40 ng gabi.
Nasalpok nito ang tatlong iba pang truck na pawang nakahinto sa gilid ng kalsada.
Pero sa kasamaang-palad, nasagasaan ng truck ang dalawang pedestrian na sina Edwin Pascua, 46-anyos, at Joseph Balinsayo, 39-anyos, kapwa nakatayo sa gilid ng highway.
Dead on the spot si Pascua habang si Balinsayo ay isinugod sa ospital para malapatan ng lunas.
Nawasak ang lahat ng sangkot na mga sasakyan, pati ang mga roller barrier ng highway kung saan sumadsad ang truck.
Nasugatan din driver ng bumanggang truck at ang kanyang pahinante.
Nahaharap ang driver ng nakaaksidenteng truck sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries and damage to properties. (NILOU DEL CARMEN)
54