TRUCK NAWALAN NG PRENO, BUS DRIVER PATAY

QUEZON – Patay ang isang bus driver matapos na masagasaan at makaladkad ng truck na nawalan ng preno sa palusong na bahagi ng highway sa new diversion road, Sitio Amao, Brgy. Silangang Malicboy, sa bayan ng Pagbilao sa lalawigan nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Ejay Morales, residente ng Brgy. Salakan, Guinayangan, Quezon, at driver ng bus ng P&O Transport Corp.

Batay sa report ng Pagbilao PNP, patungo sa direksyon ng Maynila ang bus nang huminto ito sa gilid ng Atimonan-Pagbilao diversion road dakong alas-3:15 ng madaling araw, upang i-check ang kanilang preno dahil sasabak sila sa mahabang lusong.

Subalit pagbaba ng driver at iniinspeksyon ang hulihang gulong, nasagasaan ito ng kanilang kasunod na ten wheeler truck na minamaneho ni Rolando Lacson Galon.

Nakaladkad pa ng truck ang biktima ng ilang metro sa open canal na agarang ikinamatay nito.

Tuluyan pang nahulog ang truck sa nasa 5-metrong lalim na bangin na ikinawasak nito at ikinasugat ng driver nito.

Ayon sa pahinante ng truck, nawalan ng kontrol ang kanilang driver at nawalan ng preno ang sasakyan dahil sa bigat ng karga nilang scrap materials.

Nag-overshot ito sa kalsada at sumalpok sa likuran ng bus kung saan naroon ang namatay na driver.

Ayon pa sa pahinante, tumalon siya mula sa truck para maisalba ang sarili subalit nasugatan din siya sa insidente.

Isinugod ito at ang driver ng truck sa ospital sa Lucena City at nilalapatan pa ng lunas.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtorirdad sa pangyayari. (NILOU DEL CARMEN)

186

Related posts

Leave a Comment