QUEZON – Nasawi ang isang pahinante habang sugatan ang nagmamaneho at isa pang pasahero matapos na ang kanilang sinasakyang truck ay sumalpok sa tagiliran ng isang nakahintong truck sa gilid ng Maharlika Highway sa Brgy. Malinao Ibaba sa bayan ng Atimonan sa lalawigan nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon sa spot report ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling araw, isang Isuzu wing van truck na minamaneho ni alyas “Mariano”, 37, ang sumalpok sa isang nakaparadang Isuzu dropside truck sa gilid ng highway.
Sinasabing nawalan ng kontrol si Mariano sa manibela ng kanyang sasakyan matapos itong mag-lock, dahilan upang bumangga ito sa kaliwang bahagi ng likuran ng nakahintong truck.
Agad na nasawi ang pahinanteng si “Aldrin”, na taga-Naga City, Camarines Sur, matapos maipit sa loob ng sasakyan.
Sugatan naman si Mariano at ang isa pang pahinanteng si “Hermen”, 43, taga-Guinobatan, Albay, kapwa dinala sa Quezon Provincial Hospital North (QPHN) sa Doña Marta para lapatan ng lunas.
Nagtulungan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ang mga tauhan ng Atimonan Bureau of Fire Protection sa paghugot sa katawan ng nasawing pahinante mula sa truck na sangkot sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
102
