ARESTADO ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang 45-anyos na dispatcher sa bisa ng warrant of arrest sa kasong qualified theft, nang mamataan sa Sabrina Trucking sa Sampaloc, Manila noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Aldrin Ante y Magistrado, may asawa, ng #924 Domingo Santiago St., Sampaloc.
Si Ante ay itinuturing na most wanted person dahil sa kasong 3 counts ng qualified theft.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Ramon Nazario, commander ng MPD-Barbosa Police Station 14, bandang 5:45 ng hapon nang isilbi ang warrant of arrest kay Ante sa loob ng Sabrina Trucking sa panulukan ng Quintos at Sobriedad streets sa Sampaloc.
Ayon kay Nazario, sa pamamagitan ng “Oplan Pagtugis” (Manhunt Charlie), iniutos niya kay P/EMS Vicente Mabborang, OIC ng Warrant Section ng Station 14, ang pag-aresto sa suspek.
Agad namang nagsagawa ng surveillance operation ang mga awtoridad at nang matunton ang kinaroroonan ng suspek ay inaresto ito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Czarina Encarnacion Samonte- Villanueva, ng Regional Trial Court, Branch 40 ng Manila.
Inirekomenda ng korte ang piyansang P88,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Ayon kay Col. Nazario, kahit hindi nila hurisdiksyon ang lugar ni Ante, sa kanila naman iniatang na isilbi ang arrest warrant sa suspek dahil sa ipinatutupad na “Oplan Pagtugis”. (RENE CRISOSTOMO)
