NAGSANIB-PWERSA ang hanay ng tinaguriang Pinklawan at militanteng mambabatas upang itulak ang imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJK) noong kasagsagan ng war on drugs at maging sa anti-insurgency campaign.
Pinangungunahan nina Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima, Kabataan party-list Rep. Renee Co, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, Caloocan Rep. Edgar Erice, Albay Rep. Cielo Krisel Lagman, Kamanggagawa party-list Rep. Elijah San Fernando, ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio at Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali Jr. ang paghahain ng House Bill 6686 o “Truth Commission on Extrajudicial Killing Act.”
Kasabay nito, binuo ng nasabing grupo ang Makatao o Mambabatas para sa Karapatang Pantao Coalition sa dalawang kapulungan ng Kongreso upang palakasin ang koordinasyon at pagsulong ng mga panukalang batas para sa proteksyon ng karapatang pantao.
Ayon sa grupo, layon ng itatatag na komisyon na siyasatin ang EJK sa panahon ng war on drugs ng dating pangulong Rodrigo Duterte at ang mga insidente ng pagpatay sa gitna ng anti-insurgency operations, kung saan maraming aktibista umano ang napatay nang walang paglaban.
Ang war on drugs ang naging sanhi ng pagsasampa ng kaso laban kay Duterte sa International Criminal Court (ICC), kung saan may arrest order na rin umano para kay dating Philippine National Police chief at ngayon ay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Giit ng mga mambabatas, hindi sapat ang nakabimbin na mga proseso kaya nais nilang magkaroon ng sariling truth commission na tutukoy sa aktwal na bilang ng mga biktima at sa law enforcement personnel na lumahok sa mga pagpatay.
“Accountability should extend beyond top officials to include middle-level officers and other personnel who implemented the murderous war on drugs. Makakamit lang ang tunay na hustisya at paghilom kung lahat ng sangkot ay mapapanagot,” ayon sa grupo.
(BERNARD TAGUINOD)
93
