PASSPORT NI ZALDY CO KANSELADO NA

KANSELADO na ang pasaporte ni dating Ako Bicol partylist representative Zaldy Co, ayon mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang video message kaugnay ng imbestigasyon sa mga kwestiyonableng flood control projects.

“Maibabalita ko po sa inyo na ang passport po ni Zaldy Co ay kanselado na,” anunsyo ng Pangulo, na iginiit na hindi pwedeng magtago sa abroad ang mga hinahabol ng pamahalaan.

Inatasan ng Pangulo ang Department of Foreign Affairs (DFA) at PNP na makipag-ugnayan sa mga embahada sa iba’t ibang bansa upang bantayan ang galaw ng mga sangkot.

“Kung sakali man ay siya ay pupunta roon, ay i-rereport sa atin para naman maibalik natin siya dito sa Pilipinas,” babala ni Marcos.

Ibinida rin ng Pangulo ang pagsuko ng suspek na si Sara Discaya sa National Bureau of Investigation (NBI). Nasa kustodiya na siya habang hinihintay ang paglabas ng warrant of arrest.

“Kaya’t nakikita po natin, maganda naman ang takbo ng proseso at yung ating mga hinihinalaang kasama dito sa ganitong klaseng sindikato ay haharap sa hustisya,” ani Marcos.

Dagdag ng Pangulo, tuluy-tuloy ang kaso at imbestigasyon upang matiyak na ang mga may sala ay mapapanagot at maibabalik ang ninakaw na pera sa publiko.

Ikinatuwa sa Kamara

Tulad naman ng inaasahan, ikinatuwa ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang pagkansela ng pasaporte ni resigned Congressman Zaldy Co, na umalis sa bansa noong Hulyo 2025 at hindi na bumalik matapos sumiklab ang katiwalian sa flood control projects.

“Welcome development ang announcement ni President Marcos na kanselado na ang passport ni Zaldy Co. Sa wakas, natapos ang napakahabang paghihintay,” ani Tiangco. Una niyang iminungkahi ang pagkansela noong Setyembre, nang tumanggi si Co na umuwi matapos kanselahin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang travel authority.

Ani Tiangco, “Kung may ‘passport to freedom’ dati, mukhang may one-way ticket to accountability na ngayon. Kailangang gawin ng Philippine Embassy sa ibang bansa ang lahat ng makakaya para mahanap si Zaldy Co at maiuwi sa Pilipinas.”

Sa press conference, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na pagkakataon na ni Co na harapin ang mga alegasyon sa personal, imbes na maglabas ng videos mula abroad. “It’s a step forward… para mag-move on na tayo sa isyu at makasuhan ang mga dapat makasuhan,” wika ni Adiong.

Sinang-ayunan ni Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr. na lumiit na ang mundo ni Co at mas madali na ngayon para sa gobyerno na makipag-ugnayan sa ibang bansa para maibalik siya sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

109

Related posts

Leave a Comment