TUGADE SISINGILIN SA PALPAK NA RFID

IPATATAWAG ng mga senador si Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade upang pagpaliwanagin sa dinaranas na palpak na implementasyon ng radio frequency identification (RFID) stickers.

Sinabi ni Senador Grace Poe na malaking bagay kung mismong si Tugade ang sasagot sa mga reklamo ng maraming motorista at commuters sa masamang idinulot ng RFID system ng toll operators.

“Today iniikot na ang resolution na ‘yan galing sa committee ko. Narinig ko na kay Sen. Sherwin Gatchalian, na isa sa mga naunang naghain niyan, na susuportahan nga niya itong tawag na ito.

Kasi sa DOTr ‘yan… Bakit hahayaan na magbakbakan ang operator at local government at magdusa ang taumbayan,” paliwanag ni Poe.

Ayon pa sa senadora, nagpalabas ang DOTr ng kautusan na magpatupad ng 100-porsiyentong cashless transaction noong Agosto at ipinatupad noong Nobyembre bago pinalawig ng Disyembre matapos magdulot ng kaguluhan sa mga dumadaan sa mga expressway bunsod ng palpak na sistema.

Binanggit din ni Poe na malaki ang nalugi sa mga PUV operator at drivers dahil kinailangang pumila ang mga ito sa mga nagpapakabit ng RFID stickers.

o0o

LGUs, DENR KINALAMPAG NI MARCOS

KINALAMPAG ni Senador Imee Marcos ang local government units (LGUs) at maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pagbutihin ang pagpapalaganap ng livelihood programs sa mga nasasakupan ng mga ito upang masolusyunan ang illegal logging at quarrying sa mga protected area sa bansa.

Sa virtual hearing ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, inihalimbawa ni Marcos ang ginawa nito sa Ilocos Norte noong ito pa ay gobernador ng probinsya kung saan pinagkalooban nito ang mga residente sa mga protected area ng pagkakakitaan tulad ng eco-tourism upang malayo ang mga ito sa illegal logging at illegal quarrying.

“The Department of Environment and Natural Resources should take the next step and promote these sustainable, resilient and profitable businesses, so that the community itself will take care of the environment,” sabi ni Marcos

Samantala, hiniling ni Senador Nancy Binay sa DENR ang listahan ng mga sinuspindeng quarry operator upang malaman kung ilan pa ang mga kumpanyang sangkot sa illegal quarrying sa bansa.

Sinabi naman ni Senador Cynthia A. Villar, chairman ng nasabing komite, isinusulong nito ang green infrastructure upang maiwasan ang mga pagbaha tuwing may bagyo at maprotektahan ang forest cover and waterways ng bansa. (NOEL ABUEL)

o0o

2021 BUDGET NG DPWH, DICT
PINUNA NI LACSON

NAGTATAKA si Senador Panfilo Lacson na sa kabila ng malamyang paggastos sa kasalukuyang taon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay mas malaki pa rin ang dagdag sa pondo nito para sa 2021.

Bukod sa nabanggit na sitwasyon, binanggit pa ni Lacson, vice chairman ng Senate Committee on Finance na marami ring kuwestiyonable at nasasayang na pondo ng DPWH pero dinagdagan pa ng P28.348 bilyon ng bicameral panel ang badyet nito para sa papasok na taon.

Habang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na lubha umanong nangangailangan ng gastusin para sa national broadband program upang makatipid ang mga ahensiya ng pamahalaan sa bayarin sa serbisyong mula sa pribadong sektor ay kulang-kulang P1 bilyon lamang ang idinagdag.

Dahil dito, nagpahayag ng dissenting vote ang mambabatas sa bicameral panel report sa ratipikasyon nito sa Senado. (NOEL ABUEL)

117

Related posts

Leave a Comment