DPA ni BERNARD TAGUINOD
NOONG kasagsagan ng isyu sa katiwalian sa flood control projects, maraming kongresista ang napangalanan na nangongontrata sa mga proyekto ng gobyerno kaya kung hindi substandard ay talagang hindi ginagawa at ibinubulsa na lang ang pondo.
Bukod kay Zaldy Co na napilitang mag-resign bilang kinatawan ng Ako Bicol Party-list, na kilalang kontratista, wala na tayong narinig na pangalan ng mga kongresista na nakasuhan ng non-bailable case.
Hindi pa rin nahuhuli si Zaldy Co at wala nang balita sa kanya mula nang kanselahin ang kanyang passport at isyuhan ng arrest warrant, kaya nagngingitngit ang mga tao at nagdududa kung talagang seryoso ba talaga ang gobyerno na panagutin ito sa pagnanakaw sa sambayanang Pilipino.
Pero hindi nag-iisa si Zaldy Co sa Kongreso na kontratista, marami po sila at napangalanan na ang karamihan sa kanila pero wala pang kasong naisasampa sa kanila sa paglabag sa anti-graft law.
‘Yung depensa ng mga cong-tratistang ito na kesyo nag-divert na sila ng kanilang interest sa dati nilang construction company, ay panggagago sa gobyerno at sambayanang Pilipino dahil pamilya nila ang nagpapatakbo ng negosyo.
Kung talagang seryoso ang gobyernong ito na panagutin ang lahat ng nagpakasasa sa pera ng bayan, dapat ituloy ang paghabol sa mga cong-tratistang ito dahil open secret na sila pa rin ang may-ari ng negosyo, at hindi lang ang mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kanilang kasabwat ang panagutin.
Kahit ‘yung mga congressman na nangongomisyon sa mga proyektong inendorso nila o inilagay sa kanilang distrito, ay dapat ding habulin dahil sa totoo lang, mas malaki ang kanilang komisyon kaysa mga opisyales ng DPWH.
Medyo mahirap lang patunayan na nangongomisyon ang mga kongresista sa mga proyekto pero kung talagang nais ng gobyerno na matigil ang korupsyon i-lifestyle check sila at ikumpara ang kanilang lifestyle bago at pagkatapos nilang maging congressman.
Malalaman at malalaman naman kung papaano yumaman ang mga congressman at ang kanilang pamilya, kung magkakaroon ng makatotohanang lifestyle check sa kanila pero hangga’t hanggang salita lang, walang mangyayari sa kampanya laban sa katiwalian.
Magpapalamig lang ang mga iyan habang mainit ang isyu sa flood control projects anomaly pero hindi titigil ang mga ito at kapag nagkalimutan na nang tuluyan ay muli nilang pagnanakawan ang mamamayan.
Tingnan n’yo ang PDAF scam na nangyari noong 2013, mas malaki ang ninakaw ng mga kawatan nang muling magnakaw pagkalipas ng 12 taon, kaya kailangang may mangyari ngayon dahil mas malaki pa ang kanilang nanakawin kapag nakaligtas sila ngayon.
Pati ang mga senador at mga miyembro ng Gabinete na sangkot sa katiwaliang sa flood control projects, ay dapat din panagutin dahil hindi rin titigil ang mga iyan sa pagnanakaw kapag lumamig na ulit ang isyung ito.
34
