TUMATAAS NA KASO NG CHRONIC KIDNEY DISEASE, PINAIIMBESTIGAHAN NI VILLAR

NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala si Senador Mark Villar kaugnay ng umano’y lumalalang krisis sa kalusugan dulot ng pagdami ng kaso ng Chronic Kidney Disease (CKD) sa Pilipinas, lalo na sa mga kabataan.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 313, nanawagan si Villar ng agarang imbestigasyon, in aid of legislation, hinggil sa pagtaas ng kaso ng CKD sa bansa.

Ayon sa senador, batay sa datos ng Department of Health (DOH), pabata nang pabata ang mga tinatamaan ng sakit sa bato. Mayroon din aniyang mga ulat na may mga batang siyam na taong gulang pa lamang na dumaranas na ng malubhang kondisyon sa bato.

Bagama’t may umiiral nang mga programa ang pamahalaan upang tugunan ang CKD, iginiit ni Villar na may mga kakulangan pa rin na dapat aksyunan. Aniya, ang paglaganap ng ultra-processed foods at pagbabago sa dietary habits ng mga Pilipino ay nangangailangan ng mas makabagong estratehiya upang mapigilan ang pagdami ng kaso.

Binigyang-diin ng senador na hindi dapat manatiling “reactive” ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa CKD. Layunin ng kanyang resolusyon na repasuhin ang kasalukuyang mga programa at intervention ng gobyerno—mula sa information at awareness campaigns hanggang sa aktuwal na suportang ibinibigay sa mga pasyenteng sumasailalim sa gamutan.

“Gusto nating magkaroon ng mas napapanahon at mas maagap na solusyon laban sa CKD. Dapat mas paigtingin ang prevention at early detection, habang tinitiyak ang sapat na suporta sa mga pasyenteng nagpapagamot,” diin ni Villar.

(Danny Bacolod)

1

Related posts

Leave a Comment