NANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
KAILANGANG mag-ingat ang mga tao sa pagpili ng mga party-list organization na iluluklok nila sa Kongreso at siguraduhin na sila ay kakatawanin talaga at hindi para magkaroon lang ng kapangyarihan.
Dapat ding isalang-alang ang asta ng nominees sa pagpili ng mga party-list o kahit ‘yung mga tumatakbo sa isang posisyon mula sa Senado hanggang sa konsehal ng bayan at lungsod sa buong bansa dahil baka umabuso lang ang mga iyan kapag binigyan natin sila ng pagkakataon na magkaroon ng kapangyarihan.
Nasabi ko ito dahil sa nag-viral na panghaharang ng riders sa mga motorista sa Cainta, Rizal para makadaan ang kanilang convoy gayung ang isinusulong nila sa kanilang pagtakbo ay panggalang sa batas trapiko, kaligtasan sa kalsada ek, ek.
Hindi pa nagkakaroon ng upuan ang mga mokong na ito sa Kongreso ay umaabuso na? Paano na lang kung sila ay mananalo eh ‘di asahan natin na mas ipatitigil nila ang daloy ng trapiko para sila ay makadaan?
Marami ring nakaupo ngayon sa Kongreso na party-list na walang silbi, as in walang silbi dahil hindi nila kayang ipagtanggol ang mga kinakatawan kuno nilang marginalized na sektor ng lipunan.
Tingnan n’yo ha, may kumakatawan sa mga sektor ng power consumers pero tameme ang mga ito at hindi nagsasalita kapag tumataas ang singil sa kuryente, walang matibay na supply lalo na sa mga probinsya at wala ring magawa sa mga blackout sa mga probinsya.
May kumakatawan kuno sa mga magsasaka na iba-iba ang pangalan pero meron ba silang nagawa para ipagtanggol ang sektor na ito kapag tumataas ang presyo ng abono, butil na itatanim, walang tubig ang mga irigasyon, pambabarat sa kanilang ani ng middlemen at pataas na pataas na presyo ng mga pagkain, rice at agricultural cartel, at price manipulators? Wala!!! As in Wala!!!
Meron ding kumakatawan kuno sa mga taong walang bahay pero may nagawa ba sila para magkaroon ng bahay ang mga taong walang matitirahan lalo na ‘yung mga nakatira sa mga lansangan dahil walang matutuluyang bahay?
Wala ring silang magawa sa pagtaas ng renta ng mga paupahang bahay pero noong nangangampanya sinasabi nila na “Bibigyan ko kayo ng libreng bahay kapag nakaupo tayo sa Kongreso.”
Pero noong nanalo, wala tayong balita na nakapagpatayo sila ng bahay sa mga taong bumoto sa kanila kaya dapat palitan na ang mga iyan dahil marami sa kanila ay matatagal na dyan sa Kongreso pero hindi sila nararamdaman ng mga marginalized sector na ginamit lang nila para sila ay magkaroon ng kapangyarihan.
Mabibilang mo lang din sa daliri mo ang mga party-list congressman na natatrabaho sa komite at maging sa plenaryo ng Kamara, na isang indikasyon na hindi sila tunay na kumakatawan sa mga marginalize sector.
‘Yung iba namang party-list solon saka lang magsasalita kapag nakakanti na ang kanilang amo pero kapag hindi, kasama na sila sa mga mambabatas na inaabangan kung malalason sila sa kanilang laway dahil hindi nagsasalita.
