CLICKBAIT ni Jo Barlizo
MAY nangangamba, may pabor at nasasabik sa pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing ang Taguig ang may territorial jurisdiction sa 729 ektaryang Fort Bonifacio Military Reservation kabilang ang Bonifacio Global City(BGC) at ang “embo barangays”.
Hati ang Makatizens.
Nangangamba ang ilang residente na maaapektuhan ng paglipat ng kanilang address dahil sa mga programang ibinibigay ng Makati sa mga residente partikular ang mga senior citizen, estudyante at solo parents.
Gayunman, hindi naman daw lahat ay nabibigyan ng benepisyo kaya nasasabik silang mabago ang pamumuno.
Gusto naman ng iba na subukan ang pamamahala ng Taguig at naniniwala at umaasa sila na maibibigay din ng Taguig ang nakukuha na benepisyo at programa sa siyudad ng Makati.
Ang iba ay nananawagang irespeto ang desisyon ng Korte Suprema.
Tulad ng dapat asahan, may mga hindi tinatanggap ang kasasapitan nila sa ibang pamamahala. Sa mga matagal nang naninirahan sa lugar na ugat ng sigalot ng Taguig at Makati, nais nilang maging taga-Makati hanggang sa huling takdang oras nila. Iba pa rin ang sentimyento pagdating sa tinatawag na kinamulatan at kinalakhang lugar at tahanan.
Pero hindi naman lugar ang mawawala sa kanila. Binago lang ang pangalan ng siyudad na sasakop sa kanilang barangay.
Kung sabik ang iba na subukan ang pamamahala ng Taguig, agam-agam naman ang iba sa pagbabago dulot ng desisyon ng Korte Suprema.
Nitong Abril 3, ipinalabas ng SC ang final and executory decision nito sa 30 taong boundary dispute sa pagitan ng dalawang LGU. Mas binigyang bigat ng hukuman ang historical, documentary at testimonial evidences na iprinisinta ng Taguig.
Nagkaroon na ng Entry of Judgment kaya hindi na maaaring iapela o irebisa.
