ISINIWALAT ng Commission on Audit ang ilang iregularidad sa pamamahagi ng P91.18 milyong pondo sa ilalim ng ‘Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers’ o TUPAD cash assistance program ng lokal na pamahalaan ng Pampanga.
Batay sa 2021 audit report sa lalawigan na inilabas noong Mayo 16, lumitaw na mahigit 23 percent ng 21,710 listed beneficiaries na nasa masterlist ay may kaduda-dudang detalye kabilang na ang 2,600 na pareho ang ID numbers.
“Review of the said master list showed that of the 21,710 beneficiaries, 5,012 have either the same names and birthdates, contact numbers, type of ID, or ID numbers,” saad ng mga auditors.
Pinakamarami ang natala sa mga munisipalidad ng Lubao na may 1,365; Arayat, 1,290; Magalang, 906, Mexico, 903, at Sasmuan, 490.
Sa Lubao at Arayat, natuklasan ng audit team ang tig-1,289 na gumamit ng magkaparehong ID at ID numbers.
May 60 benepisyaryo rin sa Lubao ang nagsumite ng cloned IDs habang 903 sa Mexico; 895 sa Magalang at 490 sa Sasmuan ang may magkaparehong contact numbers.
Natuklasan din ang double payout sa limang tao sa Magalang; pito sa Lubao, dalawa sa Candaba, lima sa Mabalacat, siyam sa Guagua, walo sa City of San Fernando, at tatlo sa Sta. Rita.
Sa bayan ng Magalang, may isang tao ang nakapag payout para sa 35 TUPAD beneficiaries.
Lumitaw din sa random check na 16 na manggagawa ang nakalistang tumanggap na ng payout subalit nang busisiin ay wala pa silang nakukuhang cash assistance.
“Due to the urgency of service delivery, the Provincial PESO also overlooked the checking of the submitted list as they are time-bound to forward the list of the municipalities to the DOLE
Provincial Field Office for group insurance enrollment,” nakasaad pa sa report.
Nangako naman ang provincial government na isinasaayos na nila ang kanilang proseso upang makatugon sa mga pagtatama ng audit findings. (DANG SAMSON-GARCIA)
308 