TURISMO PALALAKASIN SA ILALIM NI BBM

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

NAGING malaking hamon sa turismo ang pagsasara ng maraming negosyo at industriya bunsod ng pagpapatupad ng mga lockdown upang puksain ang pandemyang dulot ng COVID-19. Dahil dito nagkaroon ng malaking kakulangan sa kita ang pribadong sektor na nagresulta sa mas mababang buwis para sa pamahalaan. Kasama na rito ang kawalan ng trabaho sa ating bansa at maging sa OFWs na nawalan din ng hanapbuhay.

Dahil sa restrictions na dulot ng pandemya, ang mga airport, airline, hotel, at tourist spots ay napilitang magsara nang halos dalawang taon.

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang labis na nakadepende sa industriya ng turismo na napakalaking tulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Sa kasamaang palad, hindi naging maganda ang taong 2020 para sa sektor na ito matapos lumagapak sa 5.4 porsyento ang revenue contribution ng industriya ng turismo sa ating gross domestic product (GDP).

Maikukumpara ito sa humigit kumulang 12 porsyentong kontribusyon kada taon bago pa man mangyari ang pandemya.

Bagama’t hindi pa man inilalabas ng Philippine Statistics Authority ang opisyal na datos sa kontribusyon ng turismo sa 2021 GDP, ayon sa pinakahuling tala ng World Travel and Tourism Council Economic Impact Report, nakapag-generate ito ng $41 bilyon noong nakaraang taon.

Katumbas nito ang 10.4 porsyento ng ating GDP.

Dagdag pa, tumaas din ng 1.3 milyon ang bilang ng mga manggagawa sa ilalim ng nasabing industriya, na nagpaakyat sa kabuuang bilang na 7.8 milyon.

Ang pinakamagandang balita para sa lahat ay ang patuloy na pagbangon ng turismo kalakip ng nalalapit na pamumuno ng panibagong administrasyon na nais ituon ang pansin sa pagpapaunlad nito.

Kamakailan lamang, inanunsyo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) na itatalaga niya sa Department of Tourism (DOT) si Maria Esperanza Christina Frasco bilang kanyang bagong kalihim. Napabalitang nais ni Frasco na paunlarin ang mga produkto at pagkaing lokal upang makilala tayo ‘di lang sa ganda ng Pilipinas, kundi pati rin sa angking talento ng mga Pilipino.

Maging ang mga pagkain natin ay ubod-sarap at pwede tayong tanghalin na isa sa mga food tourism destination. Bawat probinsya, siyudad at lugar dito sa atin ay may ­angking galing sa kulinarya at pagkain na maipagmamalaki sa buong mundo.

Sa mga nakalipas na panayam, sinabi ni BBM na ire-redirect niya ang DOT roadmap upang ma-empower ang mga kawani ng turismo na mangasiwa sa mga tourism destination. Sa pamamagitan nito, mas mararamdaman ng mga kawani ang improvements sa kanilang buhay gayundin sa pag-improve sa social at economic impact ng mga destinasyon sa lokalidad.

Aayusin din umano ni BBM ang tourism response at recovery plan na naglalayong mabawasan ang impact ng pandemya sa industriya ng turismo.

Dahil din sa mga innovation na dulot ng teknolohiya, nais din ni BBM na pagandahin ang website ng DOT upang maisama ang mga feature katulad ng destination promotion, interaktibong mapa ng Pilipinas kung saan makikita ang mga destinasyon at produktong Pilipino, pati na ang multilingual options, peer evaluation, post-vacation rankings, at promotional videos na gawa ng micro influencer at vloggers.

Ang pinakamahalaga sa lahat, mas maraming mga trabaho ang malilikha ng planong promosyon ng susunod na administrasyon sa turismo.

Hindi lang ang mga ito ang papel ng industriya ng turismo sa bansa, dahil ito rin ang nagbibigay ng kita sa pamahalaan at naglilikha ng marami pang trabaho.

Noon pa man, ang sektor na ito ay naging “saving grace” ng ­ating ekonomiya, at ang mga plano ng administrasyong Marcos ay hindi maipagkakailang nagbibigay pag-asa lalo sa panahon ngayon na higit na kailangang bumawi ng turismo.

Upang ito ay mas maisakatuparan, kinakailangan din ng bagong administrasyon na repasuhin at luwagan ang kasalukuyang COVID-19 ­restrictions upang mabawasan ang mga nagiging balakid o hadlang sa mga planong bakasyon ng mga turista.

Ang pagpapasigla sa turismo ay isang paraan upang magkaroon ng hanapbuhay ang ating mga kababayan at sa ilalim ng liderato ni BBM nakatitiyak tayo na kanyang muling ibabangon ito.

480

Related posts

Leave a Comment