UAAP 82 MEN’S VOLLEYBALL: IKA-2 PANALO KINOLEKTA NG NU

NAKAISKOR ng ikalawang panalo ang UAAP Men’s Volleyball reigning champion National University makaraang dominahin ang Adamson University, 25-21, 25-17, 25-23, Linggo sa SM Mall of Asia Arena.

Bumida para sa Bulldogs si Nico Almendras na nagsumite ng double-double output, 16 points at 18 receptions. Nagambag naman si NU captain James Natividad ng 12 markers.

Sa tulong ng playmaking ni Joshua Retamar, umiskor ng 16 excellent sets, agad naiposte ng Bulldogs ang 2-0 lead.

Ngunit sinamantala ng Soaring Falcons ang 21 errors ng NU sa third frame, mabuti at nakabangon agad ang Bulldogs para selyuhan ang panalo.

Inamin ni NU head coach Dante Alinsunurin na kailangan nilang limitahan ang kanilang errors, bagamat masaya pa rin siya sa inilaro sa kabuuan ng kanyang players.

“Sana magtuluy-tuloy lang ang ginagalaw namin. ‘Yung mga unforced errors namin, sa susunod ay ma-collect namin. Siyempre nagpapasalamat din kami sa galaw ng mga bata. Importante lang talaga ay may focus sa ginagawa,” sabi ni Alinsunurin.

Angat ang Bulldogs sa lahat ng scoring fronts kontra Falcons–41-35 sa attacks, 12-5 lead sa blocks at 4-0 sa aces, kaya pinuri ni Alinsunurin ang kanyang players.

“Medyo ‘yung communication tumaas ‘yung porsiyento namin, ‘yung block namin medyo nag-improve na and sa floor defense namin tumaas ‘yung porsiyento,” wika niya, na ang tinutukoy ay ang unang laro nila kontra UST.

“Itong opensa namin dito medyo tumaas ‘yung porsiyento, although last game talagang medyo mababa talaga porsiyento namin sa opensa. Sana magtuluy-tuloy,” ayon kay Alinsunurin.

136

Related posts

Leave a Comment