TUMAGAL nang mahigit limang oras ang mainitang sagutan sa unang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.
Nagharap dito si Bise Gobernador Dodo Mandanas at ang mga kaalyadong board member ni Governor-elect Vilma Santos Recto.
Bagama’t tinalo ni Mandanas si Lucky Manzano sa laban para sa pagka-bise gobernador, nakuha naman ng kampo ni Gobernador Vi ang nakararaming puwesto ng mga board member sa Sangguniang Panlalawigan.
Ramdam agad ang tensyon mula pa lang sa simula ng sesyon, lalo na nang pag-usapan ang Internal Rules and Procedures (IRP).
Ilang beses na tinanggihan ni Vice Governor Mandanas ang panukala ng Board Member na si Bibong Mendoza ng ika-6 na Distrito, na agad aprubahan ang bagong IRP, dahil wala pa umanong kopya ng dokumento ang ibang board member.
Dahil dito, inakusahan ni Board Member Jun Berberabe ng ika-5 Distrito, si Mandanas na minamanipula ang sesyon at iniiwasan ang botohan o majority vote sa nasabing usapin.
Gayunpaman, nanindigan si Mandanas na ipinaiiral lang niya ang rule of law batay sa Local Government Code, at hindi lamang ang kagustuhan ng mayorya.
Paliwanag niya, ayon sa batas, binibigyan ang komite ng hanggang 90 araw para baguhin, magdagdag, magbawas, o umapela sa bubuuing bagong internal rules and procedures na magsisilbing gabay ng Sangguniang Panlalawigan.
(NILOU DEL CARMEN)
