KASUNOD ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng State of Public Health Emergency, minabuti ng pamunuan ng University of Athletic Association of the Philippines (UAAP) na suspendihin ang lahat ng sporting events nito hanggang Marso 14.
Ang pahayag ng Punong Ehekutibo na State of Public Health Emergency ay nangangahulugan na ang mga klase sa Metro Manila ay suspendido simula kahapon (Marso 10) hanggang Marso 17.
Ito ay bunga na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kabilang sa collegiate tournaments na apektado ay ang sumusunod: volleyball, football, softball, baseball at high school girls’ basketball.
Hindi ito ang unang beses na sinuspinde ng UAAP ang kanilang mga laro sanhi ng nasabing virus.
Hanggang noong Lunes, may 24 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.
Kamakalawa, ang NCAA ay nagkansela na rin ng mga event nito, habang ang PSL ay tuloy ang laro pero ‘closed door.’
Maging ang Palarong Pambansa na gaganapin sana sa Marikina sa Mayo ay hindi na rin tuloy.
Kahapon ay nagsagawa rin ng emergency meeting ang Philippine Basketball Association (PBA) hinggil sa isasagawa nitong safety measures hinggil sa COVID-19. (VTR)
