KINUMPLETO ng Nazareth School of National University ang pagwalis (2-0) sa best-of-three series matapos talunin ang Far Eastern University-Diliman, 87-80 kamakalawa ng hapon at muling tanghaling kampion sa UAAP High School Boys’ basketball tournament.
Gaya ng napagkasunduan, ‘closed door’ ang finale sa Filoil Flying V Centre. Ito ay upang makaiwas sa kumakalat na COVID-19.
In-extend ng NSNU ang winning run nito sa 27 games at naibulsa ang ikalimang championship (overall) sa nakalipas na siyam na taon.
Hinabol ng Baby Tamaraws ang 17 points deficit, 72-79.
Ngunit nakaipon ng lakas sina Kevin Quiambao, Carl Tamayo at Gerry Abadiano, pawang mga graduating seniors, at sa huling 4:02 ay nagawang selyuhan ang panalo ng Bullpups.
Naduplika ng NSNU ang tagumpay na nagawa ng Ateneo men’s at ng National University’s women’s team, na naging undefeated din sa 16 laro.
Tinanghal na Finals MVP si Tamayo, na muling kumamada ng monster double-double performance na 26 points at 22 rebounds at sa magkasunod na panalo ng NSNU, nag-averaged ito ng 19 points at 18 rebounds.
Nagdagdag naman si Abadiano ng 20 points, five boards at three assists, habang si Terrence Fortea ay nag-ambag ng 12 points at four assists para sa Bullpups.
“Nakakatuwa kasi lahat ng pinaghirapan namin, it paid off,” komento ni coach Goldwin Monteverde, na siya ring hahawak sa NU’s men’s basketball team sa darating na Setyembre”We sustained our focus and energy of the players throughout the whole year.”
SI John Rey Pasaol naman ang namuno sa FEU-Diliman sa kanyang 20 points, seven boards, five steals at four assists, habang nagdagdag si Penny Estacio ng 17 points. (VT ROMANO)
