BACO, Oriental Mindoro – Inilahad ni Mayor Allan “Always Ready” Roldan ang kanyang mga nasimulan at naisakatuparang programa sa loob ng kanyang 100 araw na panunungkulan bilang ama ng bayan.
Matapos ang special session ng Sangguniang Bayan ng Baco na ginanap sa Baco Municipal Gymnasium nitong Oktubre 19, 2022 at pinangunahan ni Vice Mayor at presiding officer Rey Marco, nabigyan ng oras na mailahad ni Mayor Roldan sa kanyang mga kababayan ang kanyang mga proyekto na sinimulan sa pangkalahatang paglilinis ng bakuran ng buong munisipyo.
Matapos manalo sa halalan nitong Mayo, 2022, sa kanyang unang pagsabak sa pulitika ay kaagad isinagawa ni Mayor Roldan ang paglalagay ng Mayor’s Extension Office sa 27 barangay ng Baco sa layuning mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaang bayan.
Tinupad din ng alkalde ang pangako na hindi kukunin ang kanyang buwanang sweldo sa munisipyo bagkus direkta niya itong ibibigay para sa scholarship program ng kanilang bayan at gamot para sa mahihirap na pasyente. May kabuuang P96,000 personal na tulong pang edukasyon at pangkalusugan ang ipinagkaloob ni Mayor Roldan.
Sa usaping kalusugan naman ay mayroong 5,220 pasyente ang nabigyan ng serbisyo medikal. Nagsagawa ng konsultasyon at bumuo ng mga kooperatiba sa tulong ng Cooperative Development Authority upang matulungan iangat ang kabuhayan ng mamamayan ng Baco gayundin ang mga katutubong Mangyan.
Isinaayos din ng alkalde ang Pamilihang Bayan at supply ng tubig. Sa turismo, naniniwala si Mayor Roldan na malaki ang potensyal ng Baco kung kaya’t kumuha ito ng mga kawani na magaling at may kasanayan sa nasabing larangan. Patuloy rin ang pagsasaayos ng Baco tourism building.
Ipinadama rin ni Mayor Roldan ang pagpapahalaga sa mga senior citizen gaya ng kanyang pangako, partikular sa usaping pangkalusugan. Pinagkalooban niya ng P20,000 financial assistance ang mga nagdiwang ng kanilang ika-80 kaarawan at P10,000 naman sa mga nagdiwang ng ika-85 kaarawan mula sa sariling pera ng alkalde.
Sa edukasyon, ang Baco Community College ay nilagyan ng additional program na Computer System Servicing or NC-II para sa Senior High School at isinasaayos ang mga pasilidad ng Baco Technical Vocational School.
Sa agrikultura naman na siyang pangunahing ikinabubuhay ng maraming residente sa nasabing bayan ay namahagi ito ng mga binhi ng palay at ang pagsasanay sa mga makabagong kaalaman para sa agrikultura.
Sa imprastraktura ay naipagawa niya ang bagong motor pool at iba pang mga pagawain sa iba’t ibang barangay.
Sa kanyang Ulat sa Bayan ay pinasalamatan ni Mayor Roldan ang lahat ng mga kawani ng pamahalaang bayan gayundin ang mga opisyal ng barangay at Sangguniang Bayan ng Baco na nakikiisa sa kanyang layunin na maiangat ang kanilang bayan.
Binigyang-diin din ni Roldan ang panawagan nito sa kanyang mga kababayan na maging bahagi ng solusyon, dahil ang mga nabanggit na mga proyekto at programa ay simula pa lamang ng kanyang adbokasiya na mabago at mapaunlad ang bayan ng Baco.
Aniya, susi ang pagkakaisa ng lahat sa tunay na kaunlaran. (RONALD BULA)
