‘ULO’ NI BAUTISTA, 2 PA HIRIT SA AIRPORT MESS

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MATAPOS ang malaking kahihiyang dulot ng paralisasyon sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod ng “technical glitch” na nagtulak sa pagkansela ng hindi bababa sa 361 flights, usap-usapan sa Palasyo ang di umano’y panawagan ng mga kaalyado ng administrasyon – ang pagbibitiw ni Transportation Secretary Jaime Bautista.

Bukod kay Bautista, pasok din sa mga pinagre-resign ng isang negosyanteng malapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) director general Capt. Manuel Tamayo at Manila International Airport Authority general manager Cesar Chiong.

Inalmahan naman ni Tamayo ang panawagang pagbibitiw, kasabay ng paglilinaw na una na niyang inirekomenda kay Sec. Bautista at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paggamit ng modernong air traffic management system upang maiwasan aniya ang aberya – bago pa man ito mangyari sa naturang paliparan.

Pag-amin ng CAAP chief sa aberyang naganap sa mismong unang araw ng bagong taon, masyadong “sinauna” ang ginagamit na air traffic management system ng mga paliparan sa buong bansa.

Partikular niyang tinukoy ang P10.8-bilyong halaga ng teknolohiya sa likod ng Communications, Navigation at Surveillance System ng Philippine Air Traffic Management Center.

Batay sa pagtataya ng NAIA, umabot sa 56,000 pasahero ang apektado.

Base sa kanyang impormasyong ipinrisinta sa isang pulong-balitaan, mahigit tatlong dekada na nang unang ginamit ang nasabing teknolohiya, bagamat taong 2019 lang nagkaroon ang Pilipinas.

“Kasi like anything, it is an electrical system, meron na nga tayong backup, dalawa na nga ‘yan, but still it failed. Now, our CNS/ATM, this was conceptualized way back in the late 90’s, naumpisahan ‘to I think 2010, and finally it was completed in 2018. So medyo — as far as the technology is concerned — is already outdated,” Tamayo said.

“So as early as the time that we took over, even no less than the Secretary (Bautista) […] already recommended that we come up with a backup system to this equipment before it fails, because it takes so long — inumpisahan mo ng 2010, by the time we got it online it was 2018 already, so we already recommended that to no less than the President,” dagdag pa niya.

Iba naman ang paniwala ni Dwayne Lee, na kilalang eksperto sa larangan ng aviation.

Aniya, kapalpakan at kakulangan ng paghahanda sa mga nakaambang aberya ang nagbigay kahihiyan sa Pilipinas noong mismong araw ng bagong taon.

“Honestly, dahil sa background ko (ISO), feel ko wala o insufficient ang BCP (business continuity plan) nila… considering air traffic yan. Ang tanong – bakit? BCP is where all scenarios are placed in what-if mode and what to do if these scenarios happen. In this case, dapat may backup or redundancy of facilities.”

Ani Lee, sadyang hindi kakayanin ng isang power system na angkop lang sa 220 volts ang 380 volts automatic voltage regulator na ikinabit ng CAAP sa pumalyang uninterruptible power supply (UPS) at backup power generator kaya nasunog at nadamay rin ang ilang sensitibong VSAT (very small aperture terminal), satellite dish na gamit sa komunikasyon, navigation na mata ng mga paliparan sa papaalis at paparating na eroplano, at pati ang sistemang nagtataya sa mga datos.

Hindi rin kumbinsido si Lee sa hinihinging P13 bilyon para sa “facility upgrade.”

“A power surge caused the UPS to overload, resulting in a short sa fan, which overheated the server. If this is the case, yung UPS ang issue. A 6.5kva UPS costs around P500k. If they need 4 units, P2M lang yan. P13B? Palit buong infra na yan,” pasaring ni Lee sa mga opisyales ng tatlong ahensya.

“We are selling enterprise grade servers. Our most expensive server costs P3M. imagine how many enterprise grade servers can be bought at that price. By the way, that P3M server is fault tolerant, meaning, it does not go down.”

‘External threat’

Kaugnay nito, hindi naman isinasantabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines Aerodrome and Air Navigation Safety Oversight Office (AANSOO) ang posibilidad na “external threat” ang dahilan sa technical glitch sa NAIA.

Ayon kay Sec. Bautista, hindi nito inaalis ang posibilidad ng panlabas na pag-atake sa Air Traffic Control System ng Pilipinas.

Lahat naman aniya ng posibilidad ay tututukan ng probe team. Wala rin umano silang makumpirma ngayon anoman sa mga naglalabasang haka-haka kaugnay sa pangyayari.

Pambansang
kahihiyan

Kasunod ng aberya ang hirit na imbestigasyon ng Senado.

Ayon kay Senador Jinggoy Ejercito Estrada, kailangang maglatag agad ng remedial legislation matapos ang pinakahuling krisis na nagpatigil ng operasyon ng pangunahing paliparan ng bansa sa mismong araw ng pagsisimula ng bagong taon.

Sa inihain nitong Senate Resolution No. 392, nais nitong pagpaliwanagin ang CAAP kung ano ang dapat gawin upang hindi na maulit pa ang nasabing masamang pangyayari.

“Ang insidenteng ito ay nagpapalala sa dati nang hindi kanais-nais na imahe ng NAIA. Makailang beses na itong nabansagan na pinakamasama at pinaka-stressful na paliparan sa mundo. Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng pangangailangan ng remedial legislation at agarang aksyon mula sa mga kinauukulan upang masalba pa natin ang ating airport sa pagiging pambansang kahihiyan,” ani Estrada.

Sang-ayon din si Senador Francis Tolentino na imbestigahan ng Senado ang aberya.

“‘Yung mga paliparan po sa ibang bansa—sa Ukraine—kahit may digmaan e nagagamit pa ho’ yung iba. So dapat talaga imbestigahan ito.”

Ayon sa senador, nang pumutok ang problema sa NAIA ay nagtataka ito na ang Tagaytay City facilities ng CAAP ay normal ang operasyon.

“Pinapuntahan ko po iyon… kasi alam ko po ‘yung approach ng NAIA sa Tagaytay po muna nagbibigay ng signal pero operational naman po sila, may video ako. Sabi nu’ng mga tao roon eh nakatanggap lang sila ng abiso doon sa ATMC na nagkaroon ng fluctuation,” sabi ni Tolentino.

Pasahero
makapal pa rin

Tila hindi nababawasan ang dami ng mga pasahero sa NAIA 1 matapos makansela simula noong Linggo ang daan-daang flights.

Partikular na dumaragsa sa NAIA Terminal 1 Departure area ang mga pasaherong patungo ng Riyadh, Incheon, Bahrain, Dubai, Taipei, Bangkok, Kuala Lumpur, Narita at Los Angeles, California.

Dumarami na rin ang mga pasaherong patungo ng Kansai, Kuwait, Kaohsiung, Singapore at Dammam.

Kahapon ng umaga, 11 international flights ang lumipad mula sa NAIA Terminal 1 na sinundan ng siyam pang international flights bandang tanghali.

Sa kabila nito, marami pa ring pasahero sa paliparan at mahaba pa rin ang pila ng mga nagpapa-rebook ng kanilang ticket.

Tinatayang aabot hanggang Huwebes bago maibalik sa normal ang operasyon ng paliparan.

OFWs alalayan

Samantala, pinatitiyak ng chairman ng House committee on overseas workers affairs sa Department of Migrant Workers (DMW) na hindi maaapektuhan ang trabaho ng mga OFW sa flight cancellation.

Ayon kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo, mahigit 3,000 OFWs ang hindi nakaalis noong Enero 1 bunga ng aberya.

Ilan sa mga na-interview na OFWs ang nangangamba na hindi na sila tatanggapin ng kanilang amo dahil sa kabiguan nilang dumating sa itinakdang oras ng kanilang pagbabalik.

“We are fully aware of and understand the fears of our OFWs. The Government must do everything in its powers to ensure that our OFWs are not sanctioned, or worse, terminated because of this unfortunate event,” ani Salo.

Maging ang recruitment agencies ay dapat makipag-ugnayan sa mga employer upang masiguro na may madadatnang trabaho ang mga OFW.

Dapat may managot

Iginiit naman ni Albay Rep. Joey Salceda na hindi puwedeng walang managot sa insidenteng ito na hindi lamang mga pasahero ang apektado kundi ang turismo ng bansa.

“We need to hold some people accountable, too – so this never happens again. I mean, I can’t say this is force majeure. You can foresee power outages. You can foresee surges in air traffic. Someone was at fault here,” ani Salceda.

Noong Lunes ay iginiit ng mambabatas na pairalin ang DOTC-DTI Joint Administrative Order No. 1 s. 2012, para sa kompensasyon ng mga apektadong pasahero sa ilalim ng Passenger Bill of Right.

Pinagdududahan naman ni ACT party-list Rep. France Castro ang timing ng aberyang ito lalo na’t inilutang ni Sec. Bautista ang pagsasapribado sa NAIA.

“The timing is quite fishy that on December 30, Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista said that the Marcos administration is pursuing the privatization of the country’s main gateway or the Ninoy Aquino International Airport, supposedly to modernize the airport and 2 days later nagka-glitch at libo-libong pasahero ang naapektuhan,” ani Castro.

Dahil dito, kailangang hadlangan aniya ang planong ito ng DOTr dahil mangangahulugan ito ng dagdag na pasanin lalo na sa OFWs.

Hindi aniya dapat payagan isapribado ang lahat ng assets ng gobyerno dahil napatunayan sa mga nagdaan na imbes na gumanda ang serbisyo ay lalo lang lumala. (CREMA LIMPIN/BERNARD TAGUINOD/NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE)

177

Related posts

Leave a Comment