(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
UMANI ng positibong reaksyon hindi lamang sa mga taong gobyerno kundi maging sa publiko ang anunsyo kamakalawa ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pansamantala nitong pamumunuan ang Department of Agriculture sa sandaling umupo na siya sa pwesto.
Kaugnay ito ng layunin ni Marcos na siguruhin na matutugunan ang kakulangan ng pagkain sa bansa.
Para kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, “wise decision” ito ng susunod na Pangulo.
Aniya, ang pagtatalaga ni Marcos sa sarili sa DA ay ‘crystal clear message” na ang numero unong prayoridad ng kanyang administrasyon ay ang sektor ng agrikultura.
“Incoming President is making “a wise decision in putting a premium on agriculture ahead of a looming global food crunch, given that the country’s nagging food supply,” ayon sa mambabatas.
Pabor din ang ilang senador sa nasabing desisyon ni Marcos Jr.
Ayon kay Senador Sonny Angara, prerogative ng susunod na Pangulo ang pagpili ng kanyang cabinet members.
Pinatunayan lamang anya ng incoming president na prayoridad niya ang sitwasyon sa pagkain at pagsasaka lalong-lalo na sa panahon ng pagtaas ng presyo ng mga produkto sa pandaigdigang merkado at maging sa loob ng bansa.
Sinabi naman ni Senator-elect Chiz Escudero na sa pamamagitan ng pansamantalang pag-upo ni BBM bilang Agriculture Secretary ay tiyak na mababawasan ang red tape at mabibigyan agad ng aksyon ang mga problema sa agrikultura dahil lahat ng resources ng gobyerno ay maaari niyang gamitin.
Sa panig ni Senator-elect JV Ejercito, sinabi nito na ipinapakita lamang ng incoming President na seryoso siya sa pagbibigay solusyon sa food crisis issue.
Magsisilbi rin anya itong warning sa iba pang ahensya sa ilalim ng DA na dapat ayusin ang kanilang trabaho.
Iginiit naman ni Senator-elect Jinggoy Estrada na inaasahan niyang magiging mabilis ang bawat desisyon at solusyon sa problema sa agrikultura dahil ang Pangulo na mismo ang nagkukumpas.
Food security
ng bansa titiyakin
Lunes ng gabi, inanunsyo ni Marcos Jr. na handa niyang gampanan ang pagiging kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura upang siguraduhin na matutugunan ang kakulangan ng pagkain sa bansa.
Ang hakbang ay ginawa ni Marcos upang mapigilan ang posibleng epekto ng pagkakaroon ng food crisis dahil sa mga nangyayari sa labas ng bansa na pinalala ng patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“As to agriculture, I think the problem is severe enough that I decided to take on the portfolio of Secretary of Agriculture, at least for now, and at least until we can reorganize the Department of Agriculture in a way that can make it ready for the next years to come,” sabi ni Marcos.
Sinabi pa niya na dahil sa mga nangyayari ay naaapektuhan ang food supply gayundin ang iba pang pangangailangan pang-agrikultura tulad ng fertilizers, animal feeds at iba pa, na maaaring magresulta aniya ng shortage at pagtaas ng presyo ng pagkain sa susunod na mga panahon.
Pinagdiinan din ni Marcos na kailangan mapag-aralang mabuti ang mga plano at hakbang upang maayos na matugunan ng gobyerno ang pangangailangan ng bansa pagdating sa mga panahon ng kagipitan.
“In the Philippines, we have been able to adjust to the situation in terms of the importations from Ukraine and Russia. But these emergency measures that we have taken will not be sufficient in the long run. That’s why we have to plan in a more thorough fashion than just responding,” sabi niya.
“I have asked the DTI, NEDA, and, of course, the DOF and DBM. I have asked them all to start to make forecasts, economic forecasts on what we would have to face for the rest of this year so that we can prepare,” dagdag pa ni Marcos.
Ipinaliwanag ni Marcos na bukod sa pagbibigay prayoridad sa agrikultura, pabibilisin din aniya ng kanyang administrasyon ang pag-unlad ng sektor na lubos na kailangan para malutas ang kakulangan sa pagkain.
“We are going back to basics and we will rebuild the value-chain of agriculture. And that is why I think it’s important that the President take that portfolio so that, not only will we make it clear to everyone, what a high priority we put on the agricultural sector, but also as a practical matter so that things will move quickly because the events of the global economy are moving very quickly, ” sabi niya.
“We have to be agile. We have to be able to respond properly in a very measured way as soon as there is a situation that needs to be addressed,” dagdag pa niya.
Matatandaang isa sa pangako niya noong kampanya ay ang pagpapaunlad ng agrikultura sa bansa lalo na’t pinakita ng COVID-19 pandemic ang problema ng bansa pagdating sa supply ng pagkain.
