Umararo sa 5 sasakyan sa Imelda Avenue LASING NA JEEPNEY DRIVER KAKASUHAN NG CAINTA LGU

KAKASUHAN ni Mayor-elect at Cainta municipal administrator Keith Nieto ang jeepney driver na nawalan umano ng kontrol at inararo ang mga sasakyan sa kanyang unahan na nagresulta sa pagkasugat ng limang indibidwal sa kahabaan ng Imelda Avenue noong Miyerkoles.

Ayon sa ulat, dalawang kotse at isang motorsiklo ang binangga ng driver ng jeep na may rutang Binangonan-Sta. Lucia.

“Tinutukan ko ang kaso mo kahapon. Nakainom ka pala habang nagmamaneho. Siniguro ko lang na masampahan ka at makulong sa perwisyong nagawa mo sa mga nasaktang tao at nasirang sasakyan. Pinabigyan ko [na] ng libreng abogado ang mga nadamay para matuloy ang kaso,” pahayag ni Nieto sa Facebook account nito.

“At kung sakaling makapagpiyansa ka, ipinag-utos ko sa mga abogado na gumawa ng hakbang para masuspende ang lisensya mo sa LTO nang medyo matagal na panahon, para ‘di na ito maulit,” dagdag pa ng mayor-elect.

Ngunit sa kabila ng nangyari, pwede naman daw humingi ng tulong ang ‘di pinangalanang driver at kahit hindi ito taga-Cainta ay tutulungan pa rin siya ng LGU na mabigyan ng trabaho ngunit hindi nga lang bilang driver.

“Ngayon, sa panahong makalabas ka at walang tumulong sa iyo, pwede ka namang lumapit sa amin. Kahit hindi ka taga rito pabibigyan kita ng trabaho pero ‘wag lang ang magmaneho para ‘di na maulit ang ganito. Seryoso ako, ‘wag sa Cainta, ‘wag dito,” dagdag pa ni Nieto.

Idinagdag pa ni Nieto na kahit anong ingat pa ang gawin ‘pag ganitong uri ng driver ang makasasalamuha, walang kalaban-laban ang mga tao.

“Doon tayo tumutok sa kung paano sila mababawasan at mailalayo sa lansangan,” pagtatapos ni Nieto.

(NEP CASTILLO)

55

Related posts

Leave a Comment