CAVITE – Sa pagnanais na makatulong, nasugatan sa mukha ang isang 30-anyos na helper makaraang saksakin ng bote sa mukha nang makialam sa away ng live-in partners sa Trece Martires City sa lalawigang ito.
Isinugod sa ospital ang biktimang si Jose Edison Balpongo, binata, ng Block 23, Lot 12, Sunshine Ville Subd., Brgy Cabuco, Trece Martires City, makaraang saksakin sa mukha ng suspek na si Yorrie Asis, 29, construction worker, ng Block 24, Lot 3, Sunshine Ville Subd., Brgy Cabuco ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat ni Corporal Gridon Grijaldo ng Trece Martires City Police Station, dakong alas-9:00 noong Lunes ng gabi nang mangyari ang insidente sa nabanggit subdivision.
Nakita umano ng biktima ang suspek habang nakikipag-away sa live-in partner nito kaya nilapitan at inawat ang mga ito.
Ngunit ikinagalit ito ng suspek na kumuha ng bote ng beer, binasag ito at sinaksak sa mukha ang biktima.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima habang mabilis namang nadakip ng mga awtoridad ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)
