Unahing linisin sa PhilHealth – Spox Roque KORAPSYON ‘NILULUTO’ SA LEGAL DEPT

KUMBINSIDO si Presidential spokesperson Harry Roque na kailangang unahing linisin ang Legal Department ng PhilHealth kung gustong masugpo ang korapsiyon sa ahensiya.

Ayon kay Roque, nasa nasabing departamento ang problema dahil batay sa binuong batas sa PhilHealth, hindi lang nagsisilbing investigator, piskal kundi executioner din ang legal department.
Aniya kung nais matakpan ang isang anomalya, magagawa ito sa nasabing departamento.

“Well, iyong sinusulong po natin iyong Universal Health Care sa 17th Congress, sinabayan din natin ng imbestigasyon sa mga korapsyon sa PhilHealth. At ang naging conclusion ko mismo ‘no bilang awtor ng Resolution, ang problema talaga sa PhilHealth ay nasa legal department,” ayon kay Sec. Roque.

“Kasi nga doon sa batas na bumuo ng PhilHealth, iyong legal department ang siyang investigator, a fiscal, huwes at saka executioner. At dalawang taon ang nakalipas, iyong GCG, iyong parang nagbabantay sa mga government-owned corporation, binigyan ng ‘zero’ na grado ang PhilHealth kasi doon sa dalawang taon na iyon, sa dami-daming mga kaso na dapat naaksyunan, ‘zero’ ang output ng legal department. So kung ikaw talaga ay magtatakip ng mga anomalya diyan, talagang ang—yayariin mo talaga, diyan sa legal department,” dagdag na pahayag nito.

Sinabi ni Sec. Roque na matagal na niyang sinabi kay PhilHealth President Ret. Gen. Ricardo Morales na dapat nitong malinis ang nasabing departamento lalo pa’t ito umano ang nagtataguyod ng accountability.

Sa kabilang dako, tinukoy naman ni Sec. Roque si PhilHealth Senior Vice President Jojo del Rosario bilang isa sa mga nasa legal department na naging dahilan umano para mabasura ang reklamo nuon sa Wellmed scam na nasangkot sa ghost dialysis patients controversy.

“Opo, siya pa rin po. Siya po ngayon ang head diyan. Siya po ay Senior VP at siya rin po ang gumawa o nagpa-file ng complaint laban sa WellMed na na-dismiss ng regional trial court at sa aking tingin, mali. Ito po si Atty. Jojo Del Rosario,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)

125

Related posts

Leave a Comment