UNTI-UNTING PAGLUWAG SA METRO MANILA APRUB

INAPRUBAHAN ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang lahat ng rekomendasyon ng economic cluster gaya ng buhayin ang pandemic-hit economy, pag-iral ng one-seat-apart rule para sa public vehicles, payagan ang mamamayan na lumabas na ng kanilang bahay at iklian ang curfew hours.

Pinangunahan ni Pangulong Duterte, ang kauna-unahang full Cabinet meeting kahapon matapos ang pitong buwan, simula noong Marso nang pumutok ang coronavirus pandemic dahilan para ilagay sa iba’t ibang degrees ng lockdown ang bansa.

“Inaprubahan po ng Gabinete ang lahat ng rekomendasyon ng economic cluster,” ayon kay Sec. Roque.

Kabilang aniya sa rekomendasyon ng economic cluster ay payagan ang mga mananakay ng pampublikong sasakyan sa ‘one seat apart’.

“Inaprubahan po ng Gabinete na sa pampublikong transportasyon, one seat apart na po ang distansya,” ayon kay Sec. Roque.

Sa nakalipas kasing guidelines ay nire-require ang mga pasahero na manatili sa one meter apart.

Nagkaisa rin ang gabinete at sinang-ayunan na dagdagan ang rail capacity sa 50 percent mula sa 30 percent at dagdagan ang provincial buses, motorcycle taxis at shuttles.

 

Covid hotspots

Samantala, kabilang ang Metro Manila sa walong lugar sa bansa na nananatiling COVID-19 hotspots base sa OCTA Research Team.

Ayon sa ulat, ang Metro Manila, Cavite, Rizal, Batangas, Laguna, Bulacan, Negros Occidental at Iloilo ay mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo.

Sa kanilang monitoring report, hinimok ng mga eksperto ang pamahalaan na ikonsidera ang pagpapatupad ng mahigpit na quarantine classification o localized lockdowns sa bayan ng Bauan sa Batangas, Calbayog sa Western Samar, at General Trias sa Cavite.

Ang paghihigpit ng restrictions ay inirekomenda sa tatlong lugar bunga ng tumataas na daily attack rate ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo.

Iminungkahi rin ng mga eksperto na higpitan ang restrictions sa mga lugar na mayroong limited hospital capacity o mayroong hospital occupancy rate na lagpas 70%.

Nauna rito, itinulak ng Metro mayors na luwagan ang age restriction ng mga taong maaaring lumabas sa kanilang bahay.

Sa kasalukuyan ay 21 hanggang 60 years old lamang ang pinapayagang lumabas ng bahay, pero sa panukala ng Metro Manila Council ay nais nilang gawin itong 18 hanggang 65 years old.

Iginiit naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroong kapangyarihan ang Inter-Agency Task Force (IATF) na aprubahan o ibasura ang proposal ng MMC na i-adjust ang edad ng mga maaaring lumabas.

Para kay Interior Secretary Eduardo Año, tutol siya sa proposal na i-exempt ang mga 21-years old at pababa.

Karamihan aniya sa gagawing palusot ng mga ito para makalabas ng bahay ay may kinalaman sa edukasyon. (CHRISTIAN DALE/DAVE MEDINA)

181

Related posts

Leave a Comment