PATULOY umanong iniisnab ng mayor at vice mayor ng Urdaneta City, Pangasinan ang suspension order ng Malakanyang laban sa kanila.
Sa kabila umano ng naipalabas na tig 1-taong suspension order laban kina Urdaneta City Mayor Julio Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno ng Malakanyang sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng mga kasong grave misconduct at grave abuse of authority ng dalawang Parayno ay hindi sila bumababa sa pwesto.
Katwiran umano ni Mayor Parayno ay hindi pa nito natatanggap ang suspension order at nakabakasyon siya mula January 7 hanggang January 21.
Samantala, niliwanag ni Pangasinan Governor Ramon Guico III, na hindi pa niya aprubado ang leave of absence ni Mayor Parayno at nagsisinungaling ito sa pagsasabing mayroon siyang aprubadong sick leave mula Enero 7 hanggang 21 ng buwang ito.
Ayon kay Governor Guico, nagsumite si Parayno ng sick leave noong Enero 7 at natanggap ng kanyang tanggapan ang aplikasyon noong Enero 8 pero pinagsusumite muna niya ito ng mga sumusunod na requirements bago aksyunan ang inihaing sick leave tulad ng duly sworn statement na nagpapatunay na wala itong ibang pending administrative case o criminal case bukod sa Sangguniang Panlalawigan admin case no. 2024, Duly notarized oath of undertaking dahil sa pending cases at Clearance sa kanyang money at property accountabilities.
Sinabi pa ni Governor Guico na ang naturang requirements ay base na rin sa Memorandum Circular No. 2018-197 ng Department of the Interior ang Local Government.
January 3, ngayong taon nang ibaba ng tanggapan ni Bersamin ang 1 year suspension order laban kina Mayor Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno matapos mapatunayang liable sila sa mga reklamo kaugnay ng pagtanggal bilang Pangulo ng Liga ng mga Barangay kay Punong Barangay Michael Brian Perez noong 2022, ang complainant sa kaso na naisampa sa Malakanyang.
Sinasabing walang hurisdiksyon ang mga Parayno na tanggalin si Perez bilang Liga ng mga Barangay President dahil ito ay trabaho ng Provincial Liga Office. (PAOLO SANTOS)
