US CITIZENS PINAIIWAS SA PRESENSYA NG NPA

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

NAGBABALA ang United States Embassy sa Manila sa kanilang mamamayan na umiwas sa ilang lugar sa Pilipinas na may presensya ng communist New People’s Army (NPA).

Ayon sa embahada, partikular na pinaiiwas ang mga Amerikano sa mga bulubunduking lugar sa Leyte, Mindoro, Negros, at Samar na pinaniniwalaang mga lugar na pinagkakanlungan ng nalalabing mga kasapi ng communist terrorist group.

Kamakailan ay idineklarang areas of heightened concern at target ng focus military operation ng military ang nasabing mga lugar, para masimot ang nalalabing mga kasapi ng CPP-NPA.

Una nang nagbabala ang US Embassy sa Maynila sa kanilang mga kababayan sa Pilipinas, na huwag makipag-ugnayan sa mga militanteng organisasyon na may kawing sa CPP-NPA.

Ito ay dahil kamakailan lamang, may naitalang mga engkwentro sa naturang mga lugar at may mga namatay na sinasabing US Citizens bukod pa sa isang nadakip malapit mismo sa encounter site kung saan isang military officer ang napaslang.

Sa abiso na inilabas ng embahada, ang NPA ay itinuturing na foreign terrorist organization ng Estados Unidos at maging ng Pilipinas, at sinoman ay maaaring hulihin at makulong kung mapatutunayang nakikipagsabwatan sa komunistang kilusan.

Paalala ng embahada, ang sinomang American national na mapalapit o maiugnay sa grupo ay maaaring maharap sa panganib tulad ng pag-aresto, pagkasugat, o pagkamatay.

Ayon sa US Embassy, may mga insidente ng recruitment sa Pilipinas at hinihikayat ang mga dayuhan na sumali habang ang iba naman ay hinihingan ng pinansyal na suporta para sa mga armadong grupo.

Pinapayuhan ang mga banyaga mula sa naturang bansa na umiwas sa anomang kahina-hinalang aktibidad at agad umalis sa lugar kapag may nakasalamuha na armadong indibidwal na hindi bahagi ng mga awtoridad.

Matagal nang problema ang CPP-NPA sa mga kanayunan dahil ang kanilang pineperwisyo ay ang mga ordinaryong Pilipino na kapos din sa buhay.

Hindi makapag-aani ang mga magsasaka sa kanayunan hangga’t sila nagbibigay ng ilang parte ng kanilang produksyon para sa CPP-NPA members sa kanilang lugar.

oOo

Binabati pala natin ang may mga kaarawan. Happy 47th birthday kay Sigrid Ann Duran Santos sa May 2, 2026; Happy 46th birthday Simoun Duran, sa May 12; at ang maybahay ng aking pangalawang magulang na si Ret. General Segundo Adorable Duran, Jr. na si Emilyn Cayago Duran na kaarawan sa May 14, na bagama’t namayapa na ay ipinagdiriwang pa rin nila ito.

Kasama rin sa binabati natin sina Charisse Frances Duran Chan, mister nitong si Elmer Chan, sampu ng kanyang mga anak, ganoon din kay Doc Kathleen Ruth Duran Reyes at mister nito na si Paulo Reyes at anak nilang kasama sa selebrasyon sa Camp John Hay Country Club, Baguio City.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

93

Related posts

Leave a Comment