MAY MALI SA PAGDADALA NI MENDOZA SA BIR BOX SA IMPEACHMENT?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SINABI ni dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na may mali sa ginawang pagdadala ni Commissioner Charlito Martin Mendoza ng BIR box na naglalaman ng tax records ng mag-asawang Vice President Inday Sara Duterte at Atty. Mans Carpio, sa House Committee on Justice sa Kamara kamakailan.

Sa panayam kay Atty. Henares ng radio DWIZ, sinabi nitong maaaring may kaharaping problema sa usaping legal si BIR Commissioner Mendoza sa kanyang pagdadala ng BIR box sa Kamara.

Aniya, bagama’t napagkaisahan ng mga miyembro ng House Committee on Justice ang BIR box matapos igiit ni Commissioner Mendoza na kung hindi ‘in aid of legislation at hindi executive session’, ang ginagawa ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Rep. Gerville Luistro, ay kanya itong babawiin, ay hindi pa rin siya ligtas sa pananagutan.

Dinala ni Commissioner Mendoza ang BIR box na naglalaman ng tax records ng mag-asawang Atty. Carpio at VP Sara Duterte matapos siyang i-subpoena ng House Committee on Justice ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kamakailan.

Ayon naman kay Atty. Henares, dapat sa simula pa lang ay hindi na dinala ni Mendoza ang BIR box dahil bawal ito sa batas.

Banggit pa ng dating BIR chief, kahit hindi nabuksan ang BIR box ay may mali nang nangyari at iniwan pa ni Commissioner Mendoza ito sa pangangalaga ng House Committee on Justice.

Ang ginawa na lamang ni Atty. Mendoza ay pinirmahan niya ang palibot ng BIR box na magsisilbing selyo nito upang hindi mabuksan nang walang pahintulot.

Natanong pa si Atty. Mendoza ni Rep. Leila De Lima na hindi ba niya alam na ang ginagawa ng House Committee on Justice ay impeachment ni VP Sara Duterte.

Sa simula pa lang ay marami nang legal experts ang nag-akusa na ang ginagawa ng House Committee on Justice sa impeachment kay VP Sara Duterte ay isang ‘fishing expedition’.

Naghahanap umano ang House Committee on Justice ng isda sa pamamagitan ng paglambat para sa karagdagang ebidensya na magpapalakas sa impeachment laban kay VP Sara Duterte.

Maging si dating Ombudsman Samuel Martires ay nagsabi na ang ginagawa ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Rep. Luistro, ay isang ‘fishing expedition’.

Ang pangalan ni Martires ay nabanggit na rin sa hearing ng House Committee on Justice matapos sabihin ni Ramil Madriaga sa pagdinig na naghatid siya ng P35 milyon sa Office of the Ombudsman para kay Ryan Quilala or Samuel Martires, na nanggaling kina VP Sara Duterte or dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang sinabi ni Trillanes ay pinabulaanan ni Martires, sapagkat walang dahilan para bigyan siya nina VP Sara at dating Pangulong Duterte ng ganun kalaking halaga ng pera.

Kinuwestiyon din ni Martires ang paggamit ng ‘or’ ni Madriaga sa sinabing nagdeliber siya kina ‘Ryan Quilala or Samuel Martires’ ng P35 milyong galing kina ‘VP Sara or dating Pangulong Rodrigo Duterte’.

Dito pa lang aniya, ay halatang nagsisinungaling na si Madriaga sa kanyang sinasabi, ayon pa kay Martires.

Napansin din ni Martires na sa unang affidavit ni Madriaga ay wala pa ang kanyang pangalan, subalit sa supplemental affidavit nito ay nabanggit na ang kanyang pangalan.

Ayon pa sa kanya, isinama lang ang kanyang pangalan para sabihin na malakas ang kaso nila laban kay Vice President Inday Sara Duterte.

Marami naman ang nagsabi mula sa legal experts na ang testimonya nina Madriaga at Trillanes ang magpapabagsak sa impeachment laban kay VP Sara Duterte dahil sa kawalang basehan ng mga pahayag ng mga nabanggit na personalidad.

Inakusahan din ng marami na ang ginagawa ng House Committee on Justice na pagpapa-subpoena sa ilang tanggapan ng gobyerno para mangalap pa ng mga dokumento na may kaugnayan kay VP Sara Duterte, ay pag-abuso sa kanilang kapangyarihan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

82

Related posts

Leave a Comment